HATAWAN
ni Ed de Leon
TATANUNGIN pa ba ninyo kung bakit masyadong excited ang mga taga-Kamuning sa pagpasok ni John Lloyd Cruz sa kanilag network?
Tatanungin pa ba ninyo kung bakit naghintay sila ng matagal na panahon para makuha si John Lloyd, na noon pa ay kausap na nila, naudlot nga lang?
Hindi kami sa kani-kanino ha, pero sa ngayon sino ba sa mga leading man sa Kamuning ang maitatapat mo kay John Lloyd? Sino ba sa kanila ang may reputasyon sa kahusayan bilang actor na kagaya ni John Lloyd? Higit sa lahat sino ba sa kanila ang may batak sa publiko na kagaya ni John Lloyd? Ni hindi naapektuhan ng halos apat na taong pagkawala niya ang kanyang popularidad. Para pa ngang nanabik ang mga fan na muli siyang mapanood.
Eh sa ngayon, walang leading man sa Kamuning na hindi na kailangang sugalan, iyong sigurado ka na sa kalalabasan maliban kay Gabby Concepcion, na kahit na yata starlet ang itambal mo kakagatin ng tao. Ngayon ganyan din ang inaasahan nila kay John Lloyd.
Pero iba nga siguro ang magiging dating ng serye ni John Lloyd. Direktor niya si Edgar Mortiz na alam naman nating galing din sa Madre Ignacia. Iyong ilang stars na support niya galing na rin sa kabila, ganoon din ang nasa ibang creative team nila. Mabuti nga na ang leading lady niya na si Andrea Torres ay lehitimong taga-Kamuning. Pero may intriga rin eh, si Andrea ang ex ni Derek Ramsay. Si John Lloyd naman hiniwalayan ni Ellen Adarna. Pero walang bearing iyon dahil ang pinag-uusapan naman, kaya sila pinagtambal ay dahil pareho silang magaling na artista.
Pero hindi iyan ang iniisip namin eh. Mukhang lumiit na naman ang hold ng mga dating artista sa Kamuning sa pagpapasukan ng mga bagong talon mula sa Mother Ignacia, pero wala kang magagawa eh, may advantage naman kasi na sila ang kunin. Iyong iba namang artista sa Kamuning na alam na posible silang matabunan, naglipatan na rin. Eh iyong walang malilipatan? Kailangang magtiis na muna sila sa limitadong role, o mapagawa ng mga palabas sa GTV.
Ganoon talaga buhay basta may dumating na mas magaling at mas malakas eh etsapuwera ka muna.