HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGPALABAS na ng isang official statement ang GMA Network, na si Reynaldo Flores, o kilala sa alyas na Jace Flores ay hindi konektado sa kanilang artists center o sa kanilang network simula pa noong matapos ang kontrata niyon sa kanila noong 2013.
Nagpalabas sila ng ganoong statement matapos na lumabas ang mga balita na ipinakikita niya sa mga tao ang kanyang kontrata bilang katunayan na siya ay may trabaho at may kakayahang magbayad ng inuutang. Nauna riyan ay may mga bintang na na-swindle ni Jace at ng kanyang asawa ang marami nilang kakilala. Pero si Jace ngayon ay nagtatago kaya hindi naman masampahan ng demanda.
Naglinis lang naman ng kamay ang GMA at sinabi nilang wala silang kinalaman kay Jace, na nakasali lamang noon sa contest nilang Survivors kaya nagkaroon ng kontrata sa kanila. Iyon naming napagpakitaan ng kontrata, hindi ba nila naisip na ang nagsasabing siya ay isang TV star ay hindi naman napapanood sa TV?
Pero kung minsan may magagaling talagang magsalita at mabilis na naloloko ang mga mapagtiwala.