Saturday , December 21 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

Politikang boka-boka

TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

NALALAPIT na ang 2022 at ang halalang pampangulohan. Nangyayari ito tuwing anim na taon at kasabay nito inihalal ng taong bayan ang mga mambabatas ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Nag-usap kami ng kaklase at matalik kong kaibigan Clarence Aytona noong Martes. Napag-usapan namin ang nagaganap na malawakang voters registration ng COMELEC. Ito ang pagkakataon para sa mga lalahok sa halalan bilang botante. Sa maikli, karamihan dito ay mga kabataan, o mga umabot na sa tamang edad para bomoto.

Si Clarence ay galing sa pamilya ng politiko sa Kabikulan, at marami siyang karanasan. Nasabi sa akin ang karanasan niya noon, inatasan siyang mag-organisa ng kabataan sa area nila sa Bicol kung saan kumampanya ang tiyo niya si Dominador Aytona bilang assemblyman noong panahon ni diktador Ferdinand Marcos. Nasabi niya ang gawain ng COMELEC noon na kapag ang lugar ng kampanya ay maka-oposisyon, pinahihirapan ang proseso ng pagrehistro ng mga botante. Wala pang liwanag tumambad ang maraming checkpoint patungo sa voters registration area. Kalimitan sa mga paaralan sa lugar na iyon.

Sa maikli, maraming kiyeme at dahilan ang maririnig. Kesyo security dahil rebel-infested daw ang lugar, at bibigyan ka lang ng napakaikling oras para magparehistro. Hindi lang bagong botante ang nakararanas ng aberya, pati mga kandidato ng partido laban kay Marcos. Noong bata ako natawa ako no’ng panoorin ko ang interview sa isang kandidato ng oposisyon na inutusan ng COMELEC ni Marcos, magsuot ng damit na todo puti pag nangangampanya, all-white, as in puting polo, pantalon medyas, sapatos, pati sinturon kailangan puti. Siguro nakatatawa, dahil inaakala natin na hindi na mangyayari ulit ito.

Pero isa lang ang tinitiyak ko. Ang nakaluklok ngayon ay nag-aaral ng kasaysayan at mas mabagsik ang kamandag niya kay Mr. Marcos. Dati kapag sa balwarte ni Mr. Marcos, madali ang rehistro. Pero kapag balwarte ng kalaban pinahihirapan ang proseso. Ito ay malaking “red flag” na nakikita ko kaya nananawagan ako sa ating mga nanunungkulan at may tapat na pagmamahal sa bayan na tingnan ito. Mabuti at na-extend ang deadline para sa rehistro, salamat sa mga matang-lawin sa dalawang kapulungan.

Tayo rin. Mula kandidato, hanggang sa mamamayang boboto ay maging matang-lawin din dahil ang nakaluklok ngayon, sampu ng kanyang mga kasapakat, pinag-aaralan ang mga kaganapan noon. Sanay sila sa maruming laro. Sa maikli, gagawin nila ang lahat para manatili sa poder. Kapag mangyari ang pinangangambahan ko, tinitiyak ko na patuloy ang impiyernong dinaranas ng mahal na bayan sa ilalim ng mga haragan.

***

Sa politika magigisnan natin, at mararanasan ang lahat. May mga kandidatong gumagamit ng artista at dancers parang nasirang German Moreno ng “That’s Entertainment” na idinaraan sa aliwan at “song-and-dance” ang kampanya. May dumaraan ang kampanya sa pangako, meron din sa pasumamo, pangak, at paiyak-iyak, makuha lang ang simpatya ng botante. Kaunting kindat at kaunting “cry-cry” ayos ang buto-buto. Mayroon din kandidatong idinaraan ang pangangampanya sa brasuhan at pananakot. Ang huli, sa wari ko ang pinakadelikado, at pinakawalang kuwenta. Dahil itong uri ng kandidato ay walang habas na mananakit at papatay para maluklok.

Ganyan ang klase ng kandidatong magigisnan natin. Iba-ibang uri ng politiko, mula sa may gulugod hanggang sa walang kuwenta. Pero paano mamili ng karapat-dapat? Kung ihahambing ang kandidato sa saranggola, heto ang payo ko: ‘Wag pipili ng saranggolang panlaban o ‘yung tinatawag na “fighter.” Gawain ng “fighter” ay sumagupa sa ibang saranggola at sirain itong mabilis, malikot sa ere para pigtasin ang tali ng ibang saranggola sa pamamagitan ng taling ibinabad sa cola at durog na bubog. Pero wala itong buntot kaya kahit maliksi kumakalembang ito, at dahil saranggolang panlaban hinahanting din ng kapwa niya “fighter.” Aanhin mo nga naman ang saranggola kung malimit ito kumalembang?

Ang isa pang uri ng saranggola ay ang guryon. Malaki ito at mataas lumipad. Meron din itong patunog na malakas ang huni kapag nasa hangin at batid mo ang ingay nito kahit sa malayo. Dahil malaki at napakataas ng lipad, malalaman mong may guryon dahil sa huni ng paingay nito. Magastos gumawa ng guryon at hindi ito mapapalipad ng isang tao lamang. Bagama’t malaki, makulay at ubod ng taas ng lipad, aanhin mo ang guryon kung pulos ingay lang?

Dito lamang ako sa boka-boka. Madaling gawin at matipid sa materyales. Isang pirasong papel lang ang kailangan, hindi mo na kailangan ng patigas na kawayan o tingting. Kahit napipintasan dahil pangit ito kompara sa ibang saranggola, lilipad ito, kahit mahina ang hangin. At dahil simple ang disenyo, mananatiling matatag, at hindi basta-basta kakalembang.

[email protected]

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …