NAPASLANG ang dalawa katao habang sugatan ang limang iba pa nang pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek ang isang pamilya sa bayan ng Pikit, lalawigan ng Cotabato, nitong Biyernes ng gabi, 20 Agosto.
Ayon kay P/Capt. Mautin Pangandigan, hepe ng Pikit municipal police, nanonood ng telebisyon ang mga biktima sa kanilang bahay sa Brgy. Inug-og dakong 9:00 pm noong Biyernes nang biglang pasukin ng tatlong armadong lalaki at malapitang pinagbabaril na naging sanhi ng agarang kamatayan ng dalawa sa kanila.
Kinilala ni Panandigan ang mga namatay na biktimang sina Nursiky Guiamalon, 32 anyos, at kanyang nakababatang kapatid na si Jamil, 30 anyos, kapwa tinamaan ng mga bala ng baril sa kanilang mga ulo at katawan.
Samantala, sugatan ang limang iba pang miyembro ng pamilya Guiamalon dahil sa pamamaril.
Kasalukuyang ginagamot sa lokal na pagamutan ang limang nasugatang kinilalang sina sina Raul, 50 anyos; Yussef, 20 anyos; at mga batang may edad 10, pito, at tatlong taon.
Narekober ng mga imbestigador ang 20 basyo ng bala ng caliber 5.56 assault rifle mula sa pinangyarihan ng krimen.
Tinitingnan ng mga awtoridad ang anggulong “rido” o away ng mga angkan, bilang motibo sa pamamaril.