HATAWAN
ni Ed de Leon
NANANAWAGAN si John Regala sa mga television network na bigyan naman siya ng trabaho, hindi man diretsahan, inaamin na ni John na siya ay naghihikahos ngayon dahil sa kawalan ng trabaho. May panahon pa ngang halos nawalan siya ng malay sa kalye, kaya siya tinulungang maipasok sa ospital ng ilang taga-showbiz na nakasamaan naman niya ng loob nang lumaon.
Inamin din naman niya na tinutulungan siya ng Iglesia ni Cristo, pero hindi nga siguro sapat iyon kaya nakikiusap siyang bigyan ng trabaho.
Isa namang mahusay na actor si John at malakas naman ang batak niya sa publiko, katunayan niyan ang maraming hit movies na siya ang bida noong araw. Pero ngayon nga ay iba na ang sitwasyon. Medyo matanda na siya at may mga sakit pa. Maliban siguro kung mapangangalagaan siya nang husto at mapatunayang ok na ang kanyang kalusugan at fit to work, baka di na siya mahirapan sa kanyang pakiusap sa mga network.
Takot din siyempre silang kumuha kung may problema ka na sa kalusugan dahil kung ano man ang mangyari sa panahon ng taping,
lalo na nga at lock-in, pananagutan ka pa nila.