HATAWAN
ni Ed de Leon
PUMANAW na si Orestes Ojeda noong Martes ng madaling araw. Pancreatic cancer ang kanyang ikinamatay at sa Linggo ihahatid sa huling hantungan.. Pribado ang burol at limitado ang mga taong maaaring makiramay dahil na rin sa pinaiiral na safety protocols sa kasalukuyan.
Iyong mga kabilang sa mas naunang henerasyon kaysa kasalukuyan, kilalang-kilala si Orestes. Siya iyong sexy matinee idol noong kanyang panahon. Seventeen years old lamang siya at isang junior varsity basketball player ng UE nang makilala at kumbinsihin ni director Joey Gosiengfiao na mag-artista. Nakasama nga siya sa mga pelikula noon ng Cine Pilipino, ang grupo ni Gosiengfiao, at nang ang grupo ay maglipatan naman sa Regal Films na nagsimula na ring mag-produce ng mga local movies mula sa dating pagiging distributor ng mga pelikulang dayuhan lamang, nakasama rin si Orestes sa Regal.
Naging leading man siya ng lahat halos ng mga malalaking artista sa pelikula. Nakatambal niya sina Amalia Fuentes, Alma Moreno, at maging si Congw. Vilma Santos ay nakasama niya sa pelikula. Bagama’t nagsimula siya bilang isang sexy actor, kinilala siya bilang isa sa pinakamahusay sa pelikula at telebisyon. Malalaking roles ang ibinibigay sa kanya.
Hindi makalimutan ng kanyang fans ang unang-unang eksena ni Orestes sa pelikula, isang action fantasy film iyon, biglang may tumaas na lupa, naghugis tao, tapos hubo’t hubad na lumalakad patalikod, si Orestes nga iyon. Doon naman sa sinasabing pinaka-kontrobersiyal niyang pelikula, nahuli niya ang kanyang asawa na may katalik na iba. Binaril niya ang dalawa. Tapos nakipag-sex siya sa kanyang patay na asawa at nang umabot sa rurok ay nagbaril din sa sarili. Kinabaliwan si Orestes ng mga babae at gay na fans noong kanyang panahon. Madalas siya sa cover at posters ng mga fan magazines noong araw. Ibinebenta rin ang mga picture niya sa bangketa. Nalagay din siya sa cover ng mga notebook.
Pero lahat nang iyan ay tinalikuran ni Orestes nang malaunan para sa isang mas matahimik na buhay. Nahilig din siya sa pagpipinta at pagkaraan ay nagtayo na rin ng sariling art gallery na naka-display ang mga trabaho ng mga “master” na kanyang nabibili, at ibinebenta rin.
Napanatili rin ni Orestes na tahimik at pribado ang kanyang pamilya. Ngayon nga ay wala na siya at kahit sabihing matagal na naman siyang hindi gumagawa ng pelikula, malungkot ang lahat dahil hindi na nga siya makagagawa pa ng pelikula kailanman.