HATAWAN
ni Ed de Leon
NAPANOOD namin doon sa All Out Sunday, at ang totoo iyon lang naman ang inabangan namin, iyong performance ng bagong boy band, iyong Alamat. Nakaiintriga kasi kung bakit pinag-uusapan ng mga kabataan ngayon iyang grupong iyan. Tapos iyong kanilang kanta, kabago-bago pa lang ay nakapasok na sa Billboard charts, at lalong nakaiintriga iyong kanilang kantang ini-launch na kasmala ay isang collaboration nila sa kinikilalang Swiss music company na The Kennel.
Para maging interesado ang isang Swiss music firm sa isang Pinoy boy band, aba kakatuwa iyon. Ang daming ibang boybands hindi lamang sa Pilipinas, pero bakit nga ba sila ang kinuha ng Kennel.
Maganda nga kasi ang kanilang kanta, pero ang talagang nakatatawag ng pansin ay iyong kanilang performance, iyong pagsasayaw at iyong costumes na suot nila. Hindi kagaya ng ibang boyband na gumagaya lang sa mga Koreano. Iyang Alamat makikita nating tunay na Pinoy. At iyan ang dapat nating suportahan dahil ang tipo ng musika nila ay masasabi nating sa atin talaga. Hindi gaya sa dayo.