HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI na rin siguro makatiis, dahil nitong mga nakaraang araw ay siya ang biktima ng mga fake news na ikinakalat ng mga blogger, kaya nakapagbitaw na si Vic Sotto ng salitang “may kalalagyan kayo.” Nang sabihin iyon ni Vic ay seryoso siya, baka akala nila ay nagpapatawa pa siya.
Sunod-sunod nga naman ang mga fake news na iyan. May bintang na may naanakan pa raw siyang hindi niya sinustentuhan. May kung ano-ano pang bintang na hinalukay sa kung saan at iginigiit ng mga troll na wala namang nalalaman. Basta lahat ng iyan ay naipon ni Vic, at madali namang mai-download at mai-save ang mga iyan sa internet din. Magagamit iyang ebidensiya at tama siya sa pagsasabing “may kalalagyan kayo.”
Sa ngayon, hindi lang naman sa politika eh, maski na sa showbusiness napakarami niyang mga troll na ang tawag sa sarili nila ngayon ay “social media specialists.” Hindi lang nila “ipinagtatanggol
ang nagbabayad sa kanila. Sinisiraan din nila ang kalaban ng kanilang mga boss”. Kaya iyang ganyang paninira nga, hindi mo masabi baka may naiinggit lang sa kalagayan ni Vic o ng Eat Bulaga, kaya sinisiraan
siya ng mga “social media specialists.”
Ngayon may resolusyon sa senado na imbestigahan kung gaano karami iyang mga “social media specialists” na nasa gobyerno at kung magkano nga ba ang naibabayad sa kanila. Pero sayang dahil ang iimbestigahan lang nila ay ang mga troll sa politika. Sa showbusiness marami ring trolls.
Mayroon nga kaming narinig na mayroon daw isang grupo ng “social media specialists” na ang totoong bilang ay 500 pero gumawa ng maraming fake accounts, at inuupahan ng ilang personalidad sa showbusiness para sila ay purihin hindi man karapat-dapat, at siraan naman ang kanilang mga kalaban.
Iyang labanang iyan, at ang katotohanan na “pinagkakakitaan” na pala iyan ngayon kaya dumami na rin ang trolls sa showbusiness na pinagmumulan ng maraming fake news, pabor man o hindi sa mga personalidad.
Ang isa nga lang problema, iyang mga troll namang iyan basta nabuko na at nasukol, bigla na lang mawawala at hindi mo na alam kung saan mo sila hahanapin. Nasaan na iyong nagbalitang kaya raw nasa US si Liza Soberano ay dahil? Nasaan na rin iyong ang tapang pang gumawa ng standupper sa isang ospital at sinabing doon daw nanganak si Julia Montes? Hindi ba naglaho na lang at sukat?
Kaya iyang social media, hindi talaga dapat paniwalaan iyan. Marami ng “social media specialists” na wala namang ginawa kundi fake news.