HATAWAN
ni Ed de Leon
KUNG pakikinggan mo ang mga sinasabi sa social media, talagang itnutulak nila si Congresswoman Vilma Santos na tumakbo para sa mas mataas na national positions. Pero karamihan naman ng nagpu-push na iyan ay mga fan din, galing sa isang grupo ng mga Vilmanian. Iyong mas naunang grupo ang stand nila ay maghihintay sila kung ano man ang maging desisyon ni Ate Vi. Ayaw nilang pangunahan ang idolo nila.
Tama naman iyon dahil siyempre si Ate Vi ang mas nakaaalam kung ano ang mabuti para sa kanya at mas mabuti para sa mga constituent niya.
“Alam mo natatawa na lang ako, at natutuwa rin naman dahil sa kanilang show of support hanggang ngayon kahit nga limang taon na silang walang napapanood na pelikula ko. Buti nga naipalalabas pa ang
mga dati kong pelikula sa cable, lalo na iyong mga classic talaga. Ako rin mismo nanonood ng pelikula ko noon at iniisip ko talaga kung paano ko ba nagagawa ang mga pelikulang iyon in the past.
“Actually basta nanonood ako, ang totoo nami-miss ko ang pagiging isang artista. Noon ngang minsan, nag-soft opening sila ng MET sa Maynila, nabanggit pang matagal naming ginamit iyon sa TV show ko. Nagbalik talaga sa alaala ko lahat iyong experiences ko sa Met. Masarap maging artista at sa totoo lang miss ko ang dati kong trabaho.
Kaya lang may iba akong responsibilidad ngayon.
“Iyan namang pagtakbo kung saan mang posisyon, hindi mga fan ang magde-decide niyan. Kailangang hintayin ko ang desisyon ng partido, ang sasabihin ng mga constituent ko, at saka ako gagawa ng desisyon, pero matagal pa iyan. Hindi ko kailangang magmadali.
“Basta sa ngayon kung ako nga ang tatanungin, mas gusto ko sa Batangas na lang muna ako dahil marami pang magagawa rito, na kailangan talaga,” sabi ni Ate Vi.
Ngayon ba talagang nasa Batangas siyang lagi?
“Oo naman pero minsan nakakauwi pa rin ako, kasi awa naman ng Diyos, kritikal pero hindi naman sumabog nang malakas ang Taal. Sana nga ganyan na lang. Iyan ang ipinagdarasal namin. Sabi ko nga sa kanila, kapag tumahimik na ang Taal, ibalik na iyong fluvial procession sa Taal lake na ginagawa namin dati. Sa ganyang mga bagay walang makatutulong sa atin talaga kundi ang Diyos,” sabi pa ni Ate Vi.