HATAWAN
ni Ed de Leon
MEDYO panatag na ang kalooban ni Congresswoman Vilma Santos nang huli naming makausap. Medyo kalmado na siya kaysa noong unang banta ng sabog ng Taal Volcano. Hindi naman apektado ang Lipa, kundi dalawang bayan lamang na sinasabing sakop ng danger zone, iyong Agoncillo at Laurel. Pero nang marinig niyang kusang nag evacuate at nabigyan naman ng tulong ng pamahalaang local, at maging ng national government, napanatag na ang loob niya.
Isa pa, nakapagbigay na rin naman siya ng instructions sa kanyang base sa Lipa na maghanda na rin para sa relief operations kung sakaling kakailanganin, at nang sabihin naman sa kanya na naihanda na iyon, ayos na rin. Hindi mo kasi maialis sa kanya na mag-alala basta may problema sa Batangas, hindi lang sa Lipa.
“Probinsiya namin iyan eh, at kahit na sabihin mong ang kinakatawan ko lang ngayon ay ang Lipa, siyam na taon akong governor ng Batangas, kaibigan ko ang lahat halos ng nanunungkulang local officials sa Batangas, nasanay na ako sa mga tao sa buong probinsiya kaya hindi ko maaaring pabayaan ang mga iyan. Basta nakita kong may problema, hindi naman ako maaaring mamili ng tao eh. Kung sino ang unang mangailangan ng tulong tutulungan mo na iyan. Hindi nga ba sinasabing may kaugalian tayong mga Filipino, na kahit na isusubo mo na lang at may makita kang higit na nangangailangan ibibigay mo pa. At dito sa Batangas ganyan ang ugali ng mga tao, hindi maaaring hindi ka tutulong,” sabi ni Ate Vi.
Pinakinggan ba naman ang kanyang mga naunang panawagan?
“Alam mo ang totoo, ang feeling ko nanay pa rin ako sa Batangas eh, kaya kailangan paalalahanan ko ang mga anak ko. Nakatutuwa naman at nakikinig sila. Marami ang tumatawag sa akin para sabihin na ok na sila sa barangay nila. Iyong mga kaibigan naming mga pari at madre, tumawag din para sabihing oo ipinagdarasal na nila ang buong Batangas. Pero naiyak nga ako noong sinabi nila, ikaw ipinagdarasal ka rin namin, huwag kang masyadong mag-alala dahil ayaw naming magkasakit ka.
“Iyon bang sa mga sinasabi nila, alam mong minamahal ka rin
nila. Sabi ko nga, ibinigay ko nang tapat ang serbisyo ko, at ngayon
inaani ko na ang bunga niyon, ang pagmamahal ng mga kababayan ko,” sabi ni Ate Vi.