HATAWAN
ni Ed de Leon
BIDA na naman si Yorme Isko Moreno. Paglabas ni Jose Cardinal Advincula sa Arsobispado, ang sumalubong sa kanya at nanguna sa isang civil ceremony ay si Yorme siyempre, Maynila eh. Doon sa parangal na sibil, dumating din ng maaga si Mayor Francis Zamora ng San Juan kahit na pista rin sa kanilang lunsod, si Makati Mayor Abby Binay, si Mayor Carmelita Abalos ng Mandaluyong, at Mayor Imelda Rubiano ng Pasay. Bawat isa ay naghandog ng ceremonial key ng kanilang lunsod sa bagong arsobispo ng Maynila habang ipinakikilala sila at binabanggit ang mga mahahalagang simbahan sa mga lunsod nila.
Siyempre ang last, ang Mayor at Vice Mayor ng host city, ang Maynila, si Yorme Isko at Vice Mayor HoneyLacuna na naghandog din ng ceremonial key to the city.
Sa natatandaan namin, at ilang pagpapalit na nga ba ng arsobispo ng Maynila ang aming nasaksihan, ngayon lamang nagkaroon ng ganyang civil ceremony sa installation ng isang arsobispo. Usually ginagawa lamang iyan sa loob ng simbahan, at ang arsobispo ay bumababa na lang sa sasakyan sa harap ng katedral.
Sa civil ceremony, tinugtog pa ng isang banda ang pambansang awit at ang awit ng Maynila sa pagsisimula. Habang naglakakad din ang Cardinal patungo sa Katedral, tumutugtog ang banda ng lunsod ng Maynila at ang banda ng Philippine Navy.
Siguro nga ang kaibahan, ang mga nauna kay Cardinal Advincula ay naging arsobispo muna ng Maynila bago naging cardinal.
Ganyan si Rufino Cardinal Santos na nanggaling sa Lipa, si Jaime Cardinal Sin na nanggaling sa Jaro, si Cardinal Gaudencio Rosales na galing din ng Lipa. Pero si Cardinal Advincula, nauna siyang ginawang cardinal bago inilagay na arsobispo ng Maynila.
Ngayon lang din nangyari, dahil naman siguro sa pandemya, na ang installation ng arsobispo ng Maynila ay may TV coverage simula sa umpisa hanggang sa matapos. Kalahating araw iyong ipinalabas sa TV at sa napakaraming Catholic websites sa internet. Lahat yata ng parokya inilabas iyon sa kanilang social media page.
Sa totoo lang, natakpan niyon ang iba pang mga balita kahapon ng umaga.