HATAWAN
ni Ed de Leon
“KUNG may MTRCB, hindi makakalusot iyan,”sabi nila tungkol sa isang pelikulang puro hubaran. Hindi nga sakop ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) iyon dahil ipalalabas lang naman iyon sa internet at walang sinasabi sa batas na kailangang dumaan ang palabas sa internet sa MTRCB classification.
Iyan ang dahilan kung bakit marami na namang mahahalay na pelikulang nakalulusot ngayon.
Panahon na siguro para amyendahan ang batas na iyan at isailalim sa classification para hindi na nakakalusot iyong ganyan, mas delikado nga iyang sa internet dahil nabubuksan iyan ng mga bata, hindi gaya sa sinehan na hindi sila makapapasok talaga. Pero kung may warning siguro kahit na paano, kagaya niyong SPG sa telebisyon, mas ok kaysa ganyang lusot na lusot.
Panahon na rin naman para rebisahin ang batas na lumikha sa MTRCB at diyan sa Optical Media Board, naiwan na ng bilis ng teknolohiya ang batas na iyan.