HATAWAN
ni Ed de Leon
TUWING madadaan ako sa dati naming bahay sa Santa Ana, sa totoo lang naiinggit ako sa nakikita kong natatanggap nilang food packs mula sa city hall ng Maynila. May tatlong kilong magandang klase ng bigas. May kape, asukal, noodles at kung ano-ano pa. Ang daming de lata na branded at alam mong hindi “kinangkong” dahil sukat na sukat sa kahon.
Eh bakit hindi ka maiinggit, eh dito sa amin, mga tatlong beses kaming nabigyan ng barangay. Iyong bigas na isang kilo ay parang durog pa, nakalagay sa ibinuhol na plastic. May tatlong latang sardinas, dalawang noodles, apat na sachet ng mumurahing kapeng 3 in 1, at meat loaf na gawang China at hindi namin mabasa ang marka. Iyon bang salamat na lang sa wala. Nakatulong din naman kahit na paano dahil ibinigay namin sa isang kapitbahay na maraming anak, kaya tuwang-tuwa naman sila. Panahon pa ng unang lockdown iyan, mahigit na isang taon na at hindi na nasundan.
Mas nagulat kami, sa Maynila nag-report si Yorme Isko na nagbakuna sila ng 27,636 sa loob ng isang araw noong petsa 18. Bago iyon, mahigit na 20, 000 tao ang nabakunahan nila sa loob ng limang magkakasunod na araw. Mahigit na 140,000 ang nabakunahan sa loob ng anim na araw. Kung maitutuloy nila iyan, kaya nila ang 1-M sa sampung araw. Ibig sabihin sa loob ng dalawang buwang mahigit, maaabot na ang herd immunity sa Maynila, kung hindi bitin ang dating ng inaambos lang na bakuna. Kaya nga si Yorme may order na raw na 8-M doses ng bakuna, na babayaran ng lunsod sa tulong na rin ng mga kaibigan ni Yorme, magawa lang iyan. Ano pa, sa loob ng 52 araw, natapos niya ang isang field hospital para sa Covid sa Luneta, na kayang tumanggap ng 336 na pasyente nang sabay-sabay. Iniwasan nga ni Yorme na iyong mga pasyente naiiwan sa mga tent sa harap ng ospital.
Iyang mga kagaya ni Yorme, iyan ang mga artistang ipagyayabang namin dahil may ginawa sa bayan, hindi gaya ng iba na nang manalo, natutulog lamang sa sesyon, kung hindi man nasasangkot pa sa anomalya. At iyan ay walang ambisyon kundi maibalik niya ang Maynila sa pagiging “Pearl of the Orient.”
Sa nangyayari ngayon, manatili lamang sa Maynila si Yorme, babalik na kami sa pagtira sa Maynila.