HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHANG hindi nga magandang balita iyong tungkol kay Bea Alonzo na ang hinihingi raw talent fee ay “napakataas” at gustuhin man ng GMA, parang hindi na wise na siya ang kunin. Iyan ay para sa isang pelikula na pagtatambalan sana nila ni Alden Richards.
Siguro inisip nga nilang magpresyo ng ganoon dahil paano nga naman kung kumita ng kagaya niyong pelikula nina Alden at Kathryn Bernardo? Pero parang maling diskarte iyon, dahil si Bea, sikat man at magaling na aktres talaga, ay wala pang box office record na gaya ni Kathryn. Kay Kathryn ang kredito niyon dahil kung natatandaan ninyo, bago ang pelikula ni Alden, kumita na rin nang halos ganoon kalaki ang pelikula niya kasama si Daniel Padilla. Si Bea naman ang nakukuhang gross ng mga pelikula ay halos kalahati lamang ng pelikula ni Kathryn.
Dapat din nilang inisip na may pandemya at bagsak ang ekonomiya. Baka kahit na magbukas na ang mga sinehan hindi rin naman ganoon kalakas ang mga pelikula dahil marami sa mga tao ang nawalan ng trabaho, at natural bago unahin ang dibersiyon, pagkain na muna ang kanilang pagkakagastahan.
Dapat isipin din ang mas lumaking halaga ng produksiyon ng pelikula dahil sa mga dagdag na safety measures na itinakda para sa mga shooting ng pelikula na noong araw naman ay wala sa batas. Ngayon may nagpatupad na lang ng ganyang regulasyon na ewan naman kung sinusunod nila mismo sa mga ginagawa nilang indie. Kung susundin mo iyong safety measures nila, mahigit pa iyon sa total cost ng isang indie.
Pero ang mga bagay na iyan ang dapat isipin at isaalang-alang bago humingi ng mala-gintong presyo para lumabas sa isang pelikula. Sa katataas nila ng presyo, baka wala na ngang kumuha sa kanila na lalong hindi maganda para sa kanilang career.
Iyan ang karaniwang problema sa mga sikat na stars, masyadong itinataas ang kanlang talent fee hanggang sa wala nang makakaya sa kanyang presyo at wala na ring kumuha sa kanya. Sino ba ang gagawa ng pelikula na ang kikitain ay mapupunta lamang sa isang artista.