NAGSIMULA lang iyon sa isang social media post ng isang reporter, kinopya naman agad ng isang showbiz website, pero pagkatapos inalis din nila kasi nga siguro may pumuna o baka nakita rin nila na inconsistent ang istorya. Hindi naman kasi isang court reporter ang gumawa ng istorya at malamang wala pang karanasan sa coverage sa korte.
Hindi ka maaaring gumawa ng ganyang istorya nang hindi mo sasabihin kung anong branch ng RTC ang gumawa ng resolusyon.
Ang tinutukoy namin ay ang lumabas na report na nagkaroon daw ng ruling ang RTC laban kay Nadine Lustre at inutusan iyon na kailangan niyang sundin ang kontrata niya sa Viva. Sinabi raw ng korte na ang kontrata ay maayos at valid, dahil nang gawin iyon, bagama’t minor si Nadine, may consent naman ang kanyang mga magulang. Kung sa tingin kasi ay valid ang isang kontrata, na isang bilateral agreement, hindi iyon mapapawalang bisa unilaterally kahit na ano pa ang katuwiran.
Noon kasi ang katuwiran ni Nadine, ginawan daw siya ng image na malayo sa kanyang personalidad kaya ayaw na niya. Pero nagsimula lang naman ang objections na iyan nang ihiwalay siya sa kanyang boyfriend na si James Reid at nag-flop ang dalawa niyang magkasunod na pelikula. Noong una wala siyang objections, at ang ibinigay naman sa kanya ay isang wholesome image.
Pero may bawi si Nadine, dahil hindi naman ibinigay ng korte ang hiningi ng Viva na mai-garnish ang mga ari-arian ni Nadine, pati na ang pera niya sa banko. Kung mangyayari nga naman iyon, tapos hindi pa siya makatatanggap ng trabaho, magigipit siya na unfair din naman.
Ang tingin namin, hindi gumawa ng desisyon ang korte sa resolusyong iyon kundi tinitingnan kung maaari pa silang magkasundo.
Ibig sabihin niyan, kailangan pa ang mas matinding arbitration kung hindi sila magkakasundo sa ganyang usapan.
Ang maliwanag sa ngayon, wala ngang maaaring tanggapin munang trabaho si Nadine habang hindi maayos iyan. Ang pinakamadaling solusyon diyan, bilhin na lang ni Nadine ang natitira pang bahagi ng kontrata niya, kaya lang isang taon na rin naman siyang walang trabaho.