Malinaw na panuntunan sa ‘proof of vaccination’ para sa mga Pinoy at OFWs (Hiling ni Villanueva)
HINILING ni Senator Joel Villanueva na linawin ng gobyerno ang tila nakalilitong panuntunan sa proof of vaccination na hihingin sa mga nabakunahan na lalo sa hanay ng overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon sa senador, chairman ng Senate labor committee, nakatakda sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na bukod sa vaccination card, kailangan rin ipakita bilang patunay na fully vaccinated ang isang tao gamit ang sertipikasyon mula sa Department of Information and Communications Technology o mula sa Local Health Officer.
“Hindi po ba ito dagdag na red tape?” tanong ni Villanueva sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate committee of the whole sa programa ng gobyerno kontra CoVid-19.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque sa pagdinig na hindi siya sigurado kung ipapatupad na ang naturang panuntunan sa ngayon, at hiniling ni Villanueva sa kalihim at sa ibang pang mga opisyal na magsiyasat tungkol dito.
“Nakalilito lang po ito sa mga tao. May vaccine card ka na po, kailangan pa ba ng hiwalay na sertipikasyon?” ani Villanueva.
Ayon sa panuntunan, lahat ng nabakunahan na kontra CoVid-19 ay kailangan kumuha ng sertipikasyon mula sa local health officers o sa DICT bilang patunay na sila ay nakatanggap na ng bakuna.
“Trained po ba o may kakayahan ang mga ito na mag-certify tungkol sa pagbabakuna?” sabi ni Villanueva. “Sana po ay seryosong pag-aralan ito ng IATF.”
Sa Paragraph B ng IATF Resolution No. 120, series of 2021, bukod sa vaccination card, ang isang taong “fully vaccinated” na ay kailangan rin kumuha ng sertipikasyon mula sa DICT o Local Health Officer ng LGU.
Sabi ni Villanueva, ang nakatakdang ipatupad na panuntunan sa 16 Hunyo ay magiging mabigat para sa mga mamamayang nais umalis ng bansa dahil magkukulang ang dala nilang pruweba ng pagbabakuna.
Hindi rin malinaw kung ang mga pabalik na OFWs sa bansa na nabakunahan sa ibang bansa ay nakapaloob sa panuntunang ito, dagdag ng senador. Dapat umano itong linawin ng pamahalaan, lalo pa’t maraming kumakalat na ‘fake news’ tungkol dito. (NIÑO ACLAN)