HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI naman sa inayawan na lang basta ni Congresswoman Vilma Santos ang ginawang nominasyon para sa kanya sa alinman sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa sa 2022. In fact, nagpasalamat pa nga siya sa ipinakitang pagtitiwala sa kanya ng mga tao, at hindi naman basta-basta mga tao lamang ang convenors ng grupong iyon na nagpakita ng tiwala sa kanyang kakayahan.
Iyon nga lang, sinabi naman niya sa simula pa lang na hindi iyon ang kanyang priority. Inamin niyang may mga proyekto pa siyang dapat matapos sa Batangas na hindi niya nagawa dahil noong nakaraang taon nga nagsimulang pumutok ang Taal, tapos nasundan pa niyang pandemya. Sa ngayon din kahit na sabihin pang congresswoman siya ng Lipa lamang, marami ring taga-ibang lugar na lumalapit din sa kanya, dahil nakasanayan na nila iyon noong siya ang gobernadora ng Batangas, at ang sinasabi nga ni Ate Vi, ”puwede ko ba namang sabihin na dalhin nila ang problema kay governor, at hindi na ako ang gobernadora ng Batangas. Natural lang naman iyong lumalapit sila at kailangang tulungan ko sila kung ano mang paraan ang makakaya ko,” sabi ni Ate Vi.
Naikompara nga ni Ate Vi iyong kaibahan ng malaki ang nasasakupan ng iyong panunungkulan.
“Noong naging governor ako, natural lumalapit pa rin sa akin ang mga taga-Lipa kung may problema at tungkulin ko naman na tumulong sa mayor dahil nasasakupan ko iyon eh. Ngayon minsan nag-aalangan ako kasi congresswoman ako ng Lipa lang, tapos taga-ibang lugar na ang lumalapit. Pero hindi ko pa rin magawang tanggihan dahil ang nasa isip ko, hindi man taga-Lipa iyan mga Batangueno pa rin iyan. Minsan nga hindi man taga-Batangas, ang maiisip mo kapwa ko pa rin Filipino iyan.
“Iyong fans ko nga eh, tinuruan ko na magtayo ng isang foundation para matulungan nila iyong mga kasama nilang Vilmanians kung malalagay sa gipit na kalagayan. Hindi kagaya noong araw, bili sila nang bili ng mga magazine, bili ng bulaklak na ibinibigay sa akin, sabi ko nga matatanda na tayo. Isipin natin ang kinabukasan at ang kalagayan natin. Ginawa naman nila, at tinulungan ko sila. Para kung may magkakasakit halimbawa may maibibigay silang tulong agad.
“Iyon na ngayon ang priority ko eh, pagbabayad ng utang na loob sa publiko na sumuporta sa akin simula noong artista pa lang ako.
“Lahat ito utang na loob ko sa publiko na hindi ko mababayaran, pero kahit na paano masuklian ko sana ang lahat ng kagandahang loob nila sa akin,” sabi ni Ate Vi.