HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI pa tapos, pero magkakaroon na ng sariling ”studio” si Kathryn Bernardo na ipinagawa ng ermat niya bilang ”birthday gift” pa rin sa kanya. Roon na maaaring gawin ang kanyang mga pictorial,blog, at commercial shoots. Kung mabubuksan na iyan, malamang sa hindi lang si Kathryn, diyan na rin ang mga shoot ni Daniel Padilla. Hindi rin naman nila kailangan iyon araw-araw, kaya ang paniwala namin sooner or later ang studio ay magagamit na rin ng mga kaibigan nilang stars at production people.
Hindi lang iyon magagamit ni Kathryn, mapagkakakitaan pa. Pero kung iisipin na maraming studio ang ABS-CBN na hindi nga nagagamit ngayon at equipped na, hindi na sana sila namuhunan. Pero iyon nga wise investment din iyon para sa kanila. Kung may kukuha kay Kathryn lalo na sa mga commercial endorsement maski kay Daniel, doon na nila ire-request ang shoot. Mababawi rin ang gastos sa studio at kikita pa.
Hindi mo rin naman sila masisisi. Naipakita na nila ang loyalty nila sa network nang mahigit na isang taon. Wala na sila halos kita, kaya natural lang na mag-isip naman sila ng ibang investments.
Isa pa nga, sa sitwasyon ngayon ng ABS-CBN na wala nang kasiguruhan, at kung ang magiging kasunod nga sa administrasyon ay iyong “anointed” din ng kasalukuyang pangulo, malabo na rin silang makakuha ng franchise, at sa ngayon nasa ilalim na ng registered mortage agreement ang kanilang properties, dahil nalulugi nga sila at hindi nababayaran ang kanilang mga ginawang loans na maluwag sana nilang nababayaran kung bukas lamang ang kanilang estasyon. Mabigat din dahil lumalabas ngayong mahigit na P14-B ang loans na kailangan nilang mabayaran sa mga creditor. Kung magkakaipitan, damay ang lahat halos ng property ng network. Mahirap na sitwasyon iyan.
Kaya karamihan nga ng mga star nila “nag-jump ship” na. Mabuti hindi pa iyon naiisipan ng KathNiel. Kaya tama nga rin na ang mga artista nila na ayaw tumalon sa iba, mag-isip na lang muna ng magagawa nilang negosyo. Kaso may mga negosyo silang tinamaan din ng lockdown. May nail salon si Kathryn na nasara rin dahil sa lockdown, gayundin naman ang bar na kasosyo si Daniel. Kailangan umisip nga ng iba para kung totoo nga ang “never ending” na lockdown sa Pilipinas, may kikitain naman sila.