HATAWAN
ni Ed de Leon
SIGURO nga sobrang excited na sila sa comeback ni John Lloyd Cruz, kaya kung ano-ano na ang lumalabas tungkol sa kanya. Actually may ginawa na siyang isang pelikulang indie na tapos na yata, pero hindi kasi nila itinuturing na comeback iyon ni John Lloyd dahil tiyak na ipalalabas lang naman iyon sa internet dahil wala pa namang sinehan, at kung mayroon man, ang mga ganoong indie hindi rin naman pinapatulan ng mga sinehan kahit na sabihin mo pang big stars ang nasa cast.
Tapos nabalita na nakipagkasundo si John Lloyd na ipapa-manage na ang kanyang career sa management firm ni Maja Salvador, na palagay namin ay hindi pa maliwanag nang ilabas nila ang press release kaya marami na naman ang nagulat nang pumirma si John Lloyd ng kontrata kay Willie Revillame para sa isang television special, at sa isang sitcom din daw na gagawin para sa network sa Kamuning.
Hindi pa natatagalan, may statement na si Annette Gozon Valdez na interesado nga ang mga taga-Kamuning kay John Lloyd noon pa man. May pag-uusap na pala sila 20 years ago pa, hindi lang natuloy. Kaya ang sinasabi nila ngayon, si John Lloyd ang nagsabing wala na siyang kontrata kanino man. Iyon lang naman ang gustong siguruhin ng GMA, at talagang kukunin na nila ang actor para maging full time Kapuso.
Ano ang chances? Kung mayroon lang katiyakan na makababalik nga ang ABS-CBN sa 2023, sigurado maghihintay iyang si John Lloyd, pero marami ang nagsasabing sa sitwasyon ngayon, mukhang hindi pa rin magbabago ang political climate hanggang sa 2023 at kung ganoon nga ang mangyayari malabo pa rin ang ABS-CBN. Kaya nga ang ginagawa nila ngayon, mas pinalalakas nila ang kanilang internet audience at ang kanilang simultaneous broadcast sa ZOE Tv at sa TV5.
Pero hindi maikakaila na mukhang pigil pa rin ang kanilang malalaking produksiyon dahil hindi kasing laki ang kanilang reached audience sa nakuha nilang mga estasyon, at mukhang hindi pa kinakagat ng sponsors ang internet dahil alam naman nilang halos palpak pa ang internet service sa bansa, hindi pa rin makuha ng ABS-CBN ang dati nilang kinikita. Natural tipid sila sa production.
Marami pa ring artista nila ang hindi nakasisiguro, kaya marami na ang tumatalon sa Kamuning. Nakita naman kasi nila, mukhang mas nabaon pa iyong mga tumalon sa mas maliliit na networks.