HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY announcement sila na nakuha ng Ang Probinsyano ang isang ”all time high” sa viewership sa internet na umaabot nang mahigit na 100,000. Pero nakalulungkot pa rin. Dahil iyang nagre-rehistrong audience sa internet, iyan ay kabuuan na, pati iyong mga nanonood gamit ang internet sa abroad.
Kung iisipin, iyang bilang na iyan ay halos isang porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng Metro Manila, huwag ninyong isama pa iyong “plus.” Napakaliit niyan kung ikukompara sa audience ng Ang Probinsyano noong on the air pa sila sa estasyong 150Kw ang power, at naka-relay pa sa halos 100 relay stations sa buong bansa. Talagang pilay nga ang ABS-CBN, noong mawalan sila ng franchise.
At kung mangyayari nga na si Presidente Digong ang maging vice president at siya ang pipili ng patatakbuhing presidente, mukhang siya pa rin ang kukumpas sa gobyerno, ibig sabihin wala pa ring pag-asang makabalik ang ABS-CBN.
Malungkot na sitwasyon iyan kung hindi pa rin pababalikin ang ABS-CBN.