INAMIN ni Sharon Cuneta na na-depress siya nang hindi makasali sa isang comedy film na ang bida ay ang sikat na Filipino-American comedian na si Jokoy. Dito nga sa atin, hindi pa masyadong kilala ng masa iyang si Jokoy, pero sa America sikat na siya talaga.
Ang malas nga lang, noong ready na ang lahat at saka lumabas ang record ng swab test ni Sharon na nagsabing siya ay infected ng Covid- 19. Iyon namang mga tao sa produksiyon, hindi na nagdalawang-isip at pinalitan ng ibang artista si Sharon. Ibig sabihin, wala sa kanila kung mawala man si Sharon sa pelikula.
Matapos iyon sumailalim ulit si Sharon sa pitong swab test sa iba’t ibang ospital at lahat iyon ay nagsasabing negative siya. Pero dahil nagkamali ang una, nawalan siya ng role.
Sa kuwento ni Sharon, iyon palang pelikulang iyon ang dahilan kung bakit nagmamadali siyang umalis sa Pilipinas, ayaw lang muna niyang sabihin hanggang wala pa ngang shooting. Ayaw naman siguro niyang magaya sa iba na todo ang pakulo, na kesyo may entourage pang 37, kabilang ang sariling make-up artist at wardrobe consultant, tapos iyon pala naman ay cameo role lamang na ni walang dialogue at 15 seconds lamang nakita sa screen. Sa local movies, role lang iyan ni Josie Tagle.
Ito namang dapat na gawing project ni Sharon, all Filipino cast nga raw iyan, the first in the US at involved ang film producer at director na si Steven Spielberg. Pero take note, kung natuloy siya sa proyekto, ang kanyang role ay “tiyahin ni Jokoy,” ibig sabihin isang supporting role, iyong tipong ginagawa nina Eugene Domingo.
Bakit kaya ganoon na lang ang panghihinayang si Sharon sa project?
Kung kami ang tatanungin, baka blessing in disguise na hindi siya natuloy. Si Sharon ay isang malaking star dito sa Pilipinas, tapos tatanggap siya ng role na “Tiyahin ni Jokoy.” Kahit na sabihin mong Hollywood pa iyan, “tiyahin ka pa rin ni Jokoy.”
Maliwanag din naman na iyan ay isang “off Hollywood film,” dahil ang shooting daw ay sa Canada. Dahil all Filipino ang cast, tiyak na iyan ay malilinya rin sa mga B movies. Kahit na si Spielberg pa ang producer niyan mismo, na duda rin kami, B movie pa rin ang bagsak niyan.
Kung nagawa iyon ni Sharon, magkakaroon din iyan ng epekto sa kanyang career dito sa atin. Kung dito ba iyan tatanggap siya ng ganoong role? Aagawan pa niya sina Caridad Sanchez at Odette Khan?
HATAWAN
ni Ed de Leon