EWAN nga ba kung bakit ilang linggo nang sunod-sunod na ipinalalabas sa cable channels ang mga dating pelikula ni Congresswoman Vilma Santos. Ipinagmamalaki pa nila na ang ilang pelikula ay “digitally enhanced.” Mapapansin mo naman na maganda ang kulay at malinaw nga at mukhang bagong pelikula. Wala iyong mga karaniwang gasgas na makikita mo sa lumang pelikula. Ok din pati ang sound.
Ang reklamo nga lang ng ilang fans ni Ate Vi, minsan magkatapat ang schedule ng dalawang pelikula ng star for all seasons, kaya napapanood nila ang isa, at nami-miss naman ang iba. Bakit nga ba kailangang magsabay ang mga pelikula ng isang artista?
Iyan kasing cable, hindi kagaya ng mga sinehan na alam mo kung ano ang ipalalabas na kasunod, naiiwasan ang pagkakasabay. Pero may panahon noong araw na sunod-sunod nga ang gawa ng pelikula ni Ate Vi, hindi naman nagkakasabay ng playdate dahil nagbibigayan din ang mga producer, pero minsan-nag-aabot pa rin ang dalawang pelikula.
Eh ‘di lalo na nga iyang cable, magkakaiba kasi ang programmer ng mga cable channels, at hindi naman nila alam kung ano ang makakasabay ng pelikulang naka-program sa kanila. May pagkakataon din namang sinasadya iyon. Halimbawa nalaman ng programmer na ang ilalabas sa kabilang channel ay pelikula ni Ate Vi, at nagkataong wala siyang hawak na malaking pelikula na puwedeng ibangga sa Vilma Santos starrer, aba eh maglalabas na rin siya ano man ang available na pelikula ni Ate Vi para hindi naman sila magmukhang kawawa s audience share.
Iyang mga cable channels kasi, may mga commercial na rin at mahalaga na rin iyong hindi sila naiiwan sa audience share para may pumasok na mga commercial.
May isang programmer na umamin sa amin, mahirap mo raw pabayaan ang pelikula ni Ate Vi. Kailangan matapatan mo iyon ng isang malaking pelikula, kung hindi nga, isang Vilma Santos starrer din kahit na gaano pa kaluma, dahil kung hindi magmumukha kang kawawa. Ganoon pala iyon.
HATAWAN
ni Ed de Leon