NAPANSIN namin, artistang-artista pa rin ang dating ni Yorme Isko Moreno sa mga tao, dahil kahit na alam naman nila na wala nang That’s Entertainment, at tapos na ang panahong gumagawa pa siya ng pelikulang kasama si Claudine Barretto, ang sinasabi pa rin ng mga tao, ”ang pogi ni Yorme.”
Mayroon pa yatang nagpapirma sa kanya ng autograph, at ok naman si Yorme. Hindi naman niya maiiwasan iyon dahil kinikilala pa rin siyang artista.
Si Yorme ay naroroon nang magdiwang ng misa mayor sa kapistahan ng Mahal na Birhen, Ina ng Walang Mag-ampon sa Santa Ana, Maynila, na sinabayan din ng deklarasyon ng Kapulungan ng mga Obispo na iyon ay pambansang dambana ng Mahal na Birhen. Ang simbahan ng Sta.Ana ang kauna-unahang simbahan sa labas ng Intramuros, at noon ay nakasasakop sa halos kalahati ng ngayon ay Lunsod ng Maynila, kabilang pa ang Makati, Mandaluyong, at ang San Francisco del Monte na ngayon ay bahagi na ng Quezon City.
Dahil si Yorme nga ang punong lunsod ng Maynila, siya ang binigyang karangalan na maglagay ng “baston de mando” o sagisag ng kapangyarihan dahil ang Birhen ay tinatawag ding “gobernadora ng Maynila,” dahil nga sa paghahandog sa kanya ng mismong “baston de mando” ng noon ay Governor General sa Pilipinas na si Francisco dela Cuesta. Iyong orihinal na “baston de mando” ang siyang inilagay ni Yorme sa kamay ng birhen.
Bihira ang ganyang pangyayari, dahil hindi lahat ng oras ay ang orihinal na baston de mando ang nakalagay sa birhen sa pag-iingat na rin na baka manakaw pa iyon. Gawa iyon sa ginto at maraming mga mamahaling bato.
May nagsasabing iyon naman ay nangyari bilang pagkilala na rin kay Yorme dahil sa mga ginawa niya sa bayan ng Santa Ana. Nasa Santa Ana ngayon ang pinakamalaki, at pinakamakabagong ospital sa ilalim ng pamamahala ng lunsod.
Hindi rin naman maikakaila na napaganda ang kapaligiran ng Santa Ana dahil sa mga initiative ni Yorme at saka kilala naman siyang malapit din sa simbahan.
Natuwa naman kami nang makita namin sa simbahan si Yorme, isa pa madalas din kami sa simbahang iyon kung saan kami nabinyagan, at dahil din sa aming personal na debosyon sa Mahal na Birhen.
HATAWAN
ni Ed de Leon