“SI Jodi na naman,” ganyan ang reaksiyon ng isang grupo ng fans nang opisyal na sabihin ng network na si Jodi Sta. Maria nga ang bida sa isang adaptation ng isang malaking Korea serye. Pero may nagtatawanan dahil sabi nila ang mga nag-post niyon ay identified sa isang female star na nagsabing gusto niyang gampanan ang role na ibinigay kay Jodi.
Siguro kung ang kanyang kasikatan ay kagaya noong araw, kagaya pa noong kanyang panahon, noong sinabi niyang gusto niyang gawin ang role, tiyak na ihahatid iyon sa kanya ”on a silver platter.” Kaso hindi na nga siya ganoon kasikat eh. Nagkamali kasi siya ng diskarte sa kanyang career na akala niya ay wala nang katapusan. Naniniwala naman siya sa mga chuhuwa na pinaniniwala siyang sikat pa rin siya hanggang ngayon.
Simple lang ang kasagutan sa tanong nila eh. Isang mahusay na aktres si Jodi at nagagampanan niya kahit na anong role, hindi gaya ng iba na nagpapa-cute pa rin kahit na hindi naman bagay sa character na ginagampanan niya. Isa pa, tingnan naman ninyo si Jodi, nasa porma at mukhang fresh. Hindi siya mukhang matrona.
Wala ring problema kay Jodi iyong lockout sa taping, sanay na siya sa ganoon eh. Baka kung iba iyan mag-feeling star pa at tumanggi sa lockdown, aba problema ng production staff iyon. Iyon ngang naka-lockdown na may nahahawa pa ng Covid, iyon pa bang hindi?
Sa ngayon ang unang consideration ay iyong mga artistang hindi nila magiging problema sa trabaho, iyong makagagawa ng role at siyempre iyong makasisiguro na babatak ng mataas na ratings. Palagay namin si Jodi ang lahat ng iyon. Kaya iyang mga basher, dapat tigilan na iyang pagsasabing ”si Jodi na naman.” Alam na ninyo kung bakit. Malaking responsibilidad iyan.
Iyon kasing production, malaking responsibilidad din nila ang ratings ng isang proyekto, lalo na nga ang isang malaking proyektong kagaya niyan. Hindi mo masasabing may depekto ang material dahil naging malaking hit na nga iyan. Kung sakali basta hindi mataas ang ratings, sila ang sisisihin.
Palagay namin maganda ang casting nila at tama ang ginamit nilang considerations.
HATAWAN
ni Ed de Leon