KATAKOT-TAKOT na
hataw na naman ang
inabot ni Robin Padilla mula sa mga netizen, nang isama niya ang DeLa Salle sa mga sinasabi niyang eskuwelahang itinayo ng mga Kastila. Hinataw siya nang husto lalo na ng mga nag-aral sa La Salle sabay kantiyaw na mag-aral muna siya ng history, kasi ang La Salle ay itinayo noong June 16,1911, ibig sabihin panahon na ng mga Kano. Wala na ang mga Kastila niyon.
Nagsimula iyan doon sa nasabi ni Senador Bong Go na si Lapu-Lapu ay taga-Mindanao, at bagama’t inamin na niyon na mukhang nagkamali nga ang data na nai-feed sa kanya, siyempre todo tanggol pa rin si Robin sa patron niya at sinasabing totoo raw iyon. Hindi lang daw matanggap ng mga Kastila na isang moro ang makakapatay kay Magellan. Mukha ngang kulang sa research si Robin.
Walang record talaga kung sino si Lapu-Lapu, bagama’t kinikilala siyang Datu ng Mactan, ibig sabihin Bisaya. Marami ang may palagay na si Lapu-Lapu ay isa sa mga pinunong lumikas sa Pilipinas mula sa noon ay kinikilalang Shri Visayan Empire, kaya ang mga islang pinamayanan nila ay tinawag nilang Visaya. May mga record din na si
Lapu-Lapu ay nanggaling sa Sumatra Indonesia. Pero walang katiyakan iyan, sabihin na lang nating Bisaya siya. Wala ring record na nanirahan siya o nagpunta sa Mindanao.
Wala ring sinasabi na si Lapu-Lapu ang nakapatay kay Magellan, maliban na lang sa mga history na nasulat sa komiks at ang mga libro nina Zaide at Agoncillo na parehong kulang ang research sa Pre-Hispanic era. Noong maganap ang Battle of Mactan, si Lapu-lapu ay 78 years old na. Walang nakakita sa kanya, o personal na nakarinig ng kanyang mga sinabi, pero siya ang Datu ng Mactan at sa labanan doon napatay si Magellan, ayon na rin sa kanyang eskribang si Antonio Pigafetta.
Kaya kami mismo ay magsasabing 98% na sigurado kaming mali ang nalalaman sa history ni Robin. Hindi naman yata siya nakakita man lang ng kopya ng History of the Philippine Island nina Emma Helen Blair at James Alexander Robertson, na hanggang ngayon ay kinikilala ng mga historian na pinaka-kompletong tala ng Philippine History, dahil hindi naman natuloy iyong librong History of the Filipino People na sinimulan ni Presidente Ferdinand Marcos noong 1975.
Ipinabasura iyon ng mga taong ayaw maungkat ang pagkakasangkot ng kanilang mga ninuno sa kasaysayan ng Pilipinas.
HATAWAN
ni Ed de Leon