DAHIL ang maraming mamamayan ngayon ay abala sa paghahanap ng alternatibong pagkakakitaan habang nasa loob ng bahay, hindi napapansin ang mga karahasan at kapabayaang nararanasan ng mga mamamahayag sa panahon ng pandemya.
Kung tutuusin, ang mga tagapaghatid ng balita ay kabilang din sa frontliners, kaya ang klasipikasyon ay authorized person/s outside residence (APOR).
O sa pinakanaiintindihang termino ngayong pandemya — kasama sa ‘essentials’ ang gawain o ang output ng mga mamamahayag upang mai-update ang mga mamamayan sa mga nangyayari sa labas lalo na’t nasa loob lang sila ng bahay.
Iniisip siguro ng marami na ang mga nasa media ay kayang protektahan ng media ID sa panahon na nakokompromiso ang kanilang kaligtasan at kalusugan.
Pero sa maraming karanasan, hindi po nasasagip ang buhay ng mga taga-media kapag dinadahas ng mga nasa kapangyarihan. Lalo na kung gumagamit ng dahas at pinatatahimik ng bala.
(At kahit sa pagpapagamot, hindi po nagagamit ng media people ang kanilang ID para maging priority sila.)
Kung ganito ang kondisyon ng pamamahayag sa isang bansa o sa isang komunidad, ang masusulingan lang ay ang mga tagapagpatupad ng batas.
Kailangan mapanagot ang maysala, hindi lang siguro sa media, kundi maging sa pangkaraniwang mamamayan. Kapag hindi kasi napanagot ang kriminal sa ilalim ng batas, paulit-ulit na nangyayari ang pandarahas at pamamaslang — ‘yan na ‘yung tinatawag na ‘culture of impunity.’
Ibig sabihin, tinatanggap na ng isip at kultura ng isang tao o ng isang komunidad o ng isang bansa, na kapag naninindigan para sa tama o mahigpit na pumupuna sa mga maling gawain ng mga nasa kapangyarihan, inaasahan na magwawakas ang kanyang buhay sa kamay ng mga tiwali at mararahas na tao.
Nasaan ang ‘safety’ ng mga taga-media kung gayon?!
Paanong magiging ‘safety’ kung mismong miyembro ng government media entity ay dinarahas ng pulis dahil lamang sa napatid na facemask?
Imbes bigyan ng facemask, dinahas, dinampot at ikinulong. Wala na ngang proteksiyon na facemask, inihalubilo pa sa loob ng kulungan.
Nagsalita ba ang PNP sa pangyayaring ito? Hindi. Sa halip, sinisi ang mamamahayag dahil hindi matibay ang facemask.
Tsk tsk tsk…
Ngayong panahon ng pandemya, hindi iilang media workers ang tinamaan ng CoVid-19. May mga datos na ilan sa tanggapan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang tinamaan ganoon din ang kanilang hepe na si Secretary Martin Andanar.
Magaling na si Sec. Andanar, kinumusta na kaya niya ang pangkaraniwang empleyado sa ilalim ng kanyang mga tanggapan na tinamaan ng CoVid-19?
Sana ngayong World Press Freedom day, ay maalala niyang kumustahin ang kanyang mga hepe, kawani, at iba pang empleyado.
Mukhang naka-recover ka na Secretary Andanar, magpaandar ka naman, ‘este magparamdam ka naman sa mga tao mo.
Pasayahin mo naman sila, kahit sa araw na ito.
Gawin mong makabuluhan ang World Press Freedom Day para sa kanila.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap