ARESTADO ang walo katao habang nakompiska ang dalawang manok na panabong na kapwa may tari sa sinalakay na tupada sa gitna ng umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa lungsod ng Mandaluyong, nitong Sabado, 1 Mayo.
Kinilala ang mga nadakip na sina Joshua Flores, 21 anyos; Jefferson Patingo, 31 anyos; Michael Sevilla, 36 anyos; Daniel Joseph Flores; Maximo Narag; Charles Rodolf Garcia; Ben Nagas, 59 anyos; at Lourge Rodolf, pawang mga residente sa Brgy. Plainview, sa lungsod.
Nabatid na dakong 12:31 am nitong 1 Mayo, Araw ng Paggawa at sa umiiral na MECQ, nadakip ng intelligence operatives at mga tauhan ng Sub-Station 4 ng Mandaluyong PNP ang mga suspek sa San Ignacio St., sa Brgy. Plainview, sa naturang lungsod.
Nakuha mula sa mga suspek dalawang manok panabong na kapwa mga sugatan at may tari, at bet money na P2,200.
Nakatanggap ng tawag mula sa barangay ang mga awtoridad na nagsabing may 20 hanggang 30 katao ang abala sa ilegal na sabong sa lugar.
Sa pagsalakay, naaresto ang walong suspek habang nakatakas ang karamihan nang magpanakbuhan sa iba’t ibang direksiyon.
Sasampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling ang mga akusado na ngayon ay nakapiit sa detention cell ng pulisya. (EDWIN MORENO)