IYONG paulit-ulit na sinasabing sasampahan ng kaso si Angel Locsin, at pati NBI ay nagsabi na gagawa sila ng imbestigasyon sa nangyari ay natatanong nga namin, totoo bang may nakikita silang krimen sa pangyayaring may isang senior citizen na pumila sa community pantry, mainit ang araw, hinimatay at namatay nang tuluyan?
Noon bang himatayin iyong matanda, pinabayaan ba at iniwan sa ganoong kalagayan kaya namatay? Hindi ba dinaluhan naman agad at mabilis na isinugod sa ospital?
Iyan kayang ginagawa nila ay makabubuti sa bayan? Kung titingnan ninyo, bakit ba biglang dumami iyang community pantry? Hindi ba dahil iyan sa maramig nagugutom dahil wala nang trabaho dahil sa lockdown, at hindi naman maayudahang lahat ng gobyerno? Iyon namang mga ibang tao, makatutulong man sila gusto nilang masiguro na naibibigay nga ang kanilang ayuda sa nangagailangan, dahil hindi ba inaamin din ng gobyerno mismo na may anomalya rin sa pagbibigay ng ayuda ng barangay?
Dito nga lang sa amin eh, seaman ang asawa. Ang anak nasa isang malaking unibersidad, nakatira sa isang high end apartment pero may ayudang nakuha. May isa pa, may kotse, may trabaho, ang anak nasa isang malaking kolehiyo, nakatanggap din ng ayuda dahil, ”kaibigan ni
kagawad.” Pero maramng nagugutom, humihingi ng makakain sa simbahan, kasi wala ni singkong duling na nakuhang ayuda. Tapos kakalabanin pa ang mga nagtatayo ng community pantry?
HATAWAN
ni Ed de Leon