SA isang interview kay Ellen Adarna, maliwanag na sinabi niyang kung siya lamang ang tatanungin, ok sa kanya ang live-in arrangement. Hindi naman siguro masasabing hindi talaga siya interesado sa marriage, dahil halata namang kinilig siya nang mag-propose ng kasal sa kanya si Derek Ramsay, pero siguro nga gusto niya ang buhay na mas malaya, iyong wala munang commitment.
May mga taong naniniwala sa ganyan at hindi mo sila masisisi, dahil kung iisipin mas maayos naman ang kanilang buhay kaysa roon sa pakasal nang pakasal tapos hihingi ng annulment ng kasal nila. Mayroon diyan hindi lamang minsan o makalawa, mayroon diyan magpapakasal matapos lamang ang isang taon annulment na agad. May malalakas ang loob na kabisado na yata ang batas, ang bilis makakuha ng annulment. May nagpapakasal pa na alam nilang putative marriage iyon from the start. Kung magkakasundo, hindi kikibo. Kung hindi mabilis ang annulment at karaniwan sa babae nanggagaling iyan.
Kaya kung iisipin mo lesser evil iyong nasa isip ni Ellen, kaysa naman pakasal ka tapos hindi naman pala sigurado ang pagsasama ninyo.
Kung si Ellen nagpakasal na noong una pa man, nakailang annulment na kaya siya?
Pero mas marami ang naniniwala na ang babae ang siyang talo sa isang live-in arrangement. Lalo na nga kung magkaka-anak na ang babae. Hindi maikakaila na basta may anak na siya, kagaya nga rin ng sitwasyon ngayon ni Ellen, may iba pang considerations na kailangang isipin. Kasi ano ang magiging kalagayan ng kanyang anak? Ano ang magiging epekto niyon sa buhay ng bata?
Iyan ay mga bagay na kailangang pag-isipan at pag-aralan nang husto lalo na ng mga kababaihan. Kasi sila ang nasa losing end. Iyong isang lalaki, matapos makipaghiwalay iyan, binata na naman iyan. Iyong mga babae hindi ganoon, kasi lalo na kung may anak, may ”additional luggage” na siyang dala.
Kung hindi naman ihahabilin niya ang kanyang anak sa kanyang pamilya at susustentuhan na lang niya, magiging pabigat siya sa pamilya niya.
HATAWAN
ni Ed de Leon