MASAYANG-MASAYA si Sunshine Cruz dahil ngayong siya ay Covid free na, nakaka-bonding na rin niya ang kanyang tatlong anak, na sa totoo lang, tatlong linggo niyang na-miss at hindi nakita kahit na nasa isang bahay lamang sila dahil naka-quarantine nga siya. Nakakausap lang niya ang mga anak niya sa telepono.
Matindi rin ang pasasalamat ni Sunshine sa kanyang boyfriend na si Macky Mathay dahil sa pagdadala niyon sa kanya ng pagkain, paghahanap ng mga gamot na hindi nila mabili sa botica, at patuloy ang disinfection na ginagawa sa kabuuan ng bahay habang siya ay naka-quarantine para masigurong ligtas sa virus ang iba pang bahagi ng kanyang bahay.
Kung tutuusin, mabilis ding gumaling si Sunshine, lalo nga’t kung iisipin na nag-home quarantine lang naman siya. Sa loob ng tatlong linggo na siyang maximum period na maaaring manatili ang virus maliban na lamang kung makakalipat iyon sa ibang tao. Kung iisipin nga, mas mabuti pa iyong naka-home quarantine, kasi nga mas nakabuburyong sa ospital, at maaari ka pang mahawa sa ibang mas malala pa sa iyo.
Iyong mga nasa ospital, dahil na rin sa kapaligiran nila roon ay sinasabi ngang nagkakaroon ng anxiety, at dahil doon mas nagkakaroon pa ng komplikasyon. Ang isa ngang sinasabing nagkaganoon, ay si Claire dela Fuente. Malakas pa siya pero dahil sa nangyari, na-tress siya. Nagkaroon siya ng anxiety, at inatake sa puso.
Iyan din ang dahilan kung bakit dumarami ang may sakit na Covid na ayaw magpadala sa ospital, bukod pa nga roon sa napakalaking sinisingil sa kanila. Isipin ninyo, ang pasyente nasa tent lang sinisingil ng P1k sa isang oras at walang magawa ang gobyerno laban doon. Hindi man lang nakapaglabas ng EO para ipagbawal iyon.
Buti pa ang pag-aalis ng tax sa imported na baboy may EO agad.
Pero marami lalo na sa mga artista na nagho-home quarantine na lang, nakakikilos ka pa sa kuwarto mo, hindi gaya sa ospital na pahihigain ka lang sa kama mo maghapon, kaya lalong nanghihina ang pasyente.
Pero ikinatutuwa namin na ok na si Sunshine, napakabait na bata niyan, marami na rin namang hirap sa buhay na nadaanan, nagkasakit pa.
HATAWAN
ni Ed de Leon