NABABAHALA na si Congresswoman Vilma sa tumitinding kaso ng Covid.
“Ang dami nang apektado. Nagulat ako noong nabalitaan kong namatay si Claire (dela Fuente). Masayahing babae iyan, na kung kausap mo talagang ”koboy,” maski ang husband niya noong si Boy, na madalas kong makausap dahil every now and then guest ko siya sa TV show ko noon.
“Inaasahan ko na na masaya at magulo sa dressing room sa tuwing guest si Clare. At saka ang lakas-lakas niya, nakikita ko siya days before sa TV dahil doon sa kaso ng anak niya. Tapos mababalitaan mo na lang namatay. Ano ba namang klaseng sakit iyan,” sabi ni Ate Vi.
“Tapos nagulat pa akong kasunod, si dating Presidente Erap na ang lakas-lakas ng katawan kahit na sabihin mong may edad na, tapos makikita mo sa TV may nakakabit na oxygen dahil din sa Covid. Sabi ko nga ano ba itong nangyayari sa atin?
“Sa Lipa, iyong aming arsobispo si Archbishop Garcera, naka-intubate dahil sa Covid. Marami rin kaming kaibigang pari na nahawa.
“Hindi rin naman kasi maiiwasan ng mga pari, basta may pagbibigay nila ng ayuda humaharap sila sa tao. Iyong mga gusto silang kausapin hindi naman matatanggihan. Iyong isa ngang pari ipinatawag dahil sick call daw, eh iyong ganyan hindi matatanggihan ng pari, iyon pala hindi nila alam may Covid din, nahawa pa iyong pari. Salamat naman lahat sila naka-recover na. Si Archbishop na lang yata ang confined pa,” sabi pa niya.
Sabay sabi rin niya, “sabihan mo nga ang mga kaibigan natin na huwag na munang lalabas ng bahay. Magpa-deliver na lang. At saka iyong delivery pagdating i-spray muna ng disinfectant bago ipasok sa bahay. Basta rin may inubo, may sinipon o nilagnat, dalhin agad sa doctor dahil baka kung ano na iyan, mahirap na. Minsan nga may narinig akong umubo, sumigaw agad ako dalhin iyan sa doctor, iyon pala kumakain lang nasamid kaya napaubo. Tawa sila nang tawa sa akin pero kailangan mag-ingat Walang kasiguruhan ang kahit na ano ngayon, kahit na may bakuna maaari ka pa ring mahawa, kaya kailangan ingat talaga,” dagdag pa ni Ate Vi.
Pagkatapos naming mag-usap dahil sa lahat ng sinabi ni Ate Vi, nag-fumigate kami agad sa buong bahay para mawala na kung ano mang virus o mikrobyo at kagaw na nakapasok.
HATAWAN
ni Ed de Leon