IYONG Mahal na Araw noon, pinaghahandaan iyan sa telebisyon. Iyong That’s Entertainment ang tema ng production numbers nila ay Mahal na Araw at ang mananalo magpe-perform muli sa GMA Supershow. Iyong mga mahal na araw ay bakasyon pero hindi rin sa mga taga-That’s Entertaiment kasi gumagawa rin sila ng production number para sa Pasko ng Pagkabuhay na ilalabas sa GMA Supershow.
Lahat iyan ay binabantayan ni Kuya Germs noong mga panahong iyon.
Natatandaan namin, nagsisimula pa lamang halos umakyat ang popularidad ni Mayor Richard Gomez nang hilingin ni Kuya Germs na gumanap siyang Kristo sa isang maikling Senakulo sa GMA Supershow. Aba kahit na maginaw sa loob ng studio, walang choice si Goma kundi nakahubad siya sa eksenang ipinako na siya sa krus. At habang nakapako nga sa krus si Goma, kalabitan naman ng kalabitan ang mga bading sa loob ngstudio. Nagalit si Lito Calzado at pinalabas silang lahat.
Mayroon pang isang production number na ang tema ay ang pagpasok ni Kristo sa Jerusalem, kailangan nakasakay sa kabayo. Hindi naman papapasukin ang kabayo sa studio ng Channel 7 sa Broadway. Naghanap sina Smokey Manaloto ng costume ng kabayo. Hindi bagay pero at least may kabayo.
Ganyan ang showbusiness noong araw, nakapapagod pero masaya naman ang lahat dahil nagagawa nila kung ano ang nakapagbibigay ng kasiyahan sa mga nanonood. Hindi nila iniisip kung magkano ba ang ibabayad sa kanila. Kadalasan abonado pa sila, pero tanggap nila na iyon ang buhay artista.
Hindi gaya ng mga artista ngayon na ang oras ay binabayaran mo batay sa isang orasang ginto, at huwag na ninyong tanungin kung magkano ang singil kahit na may pandemic. Kaya naman karamihan ng mga show ngayon, sandali lamang at nawawala na, kasi nga ang laki ng gastos at kung walang papasok na commercials lugi lang sila.
Pero kung minsan iisipin mo rin, maibabalik pa ba ang showbiz na gaya noong dati?
Siguro nga hindi na. Hindi rin kagaya noong araw na makikita mo ang mga artistang nakangiti. Ngayon lahat ay naka-facemask na.
HATAWAN
ni Ed de Leon