EWAN kung ano nga ba ang masasabi ninyo na hindi kasama ang pangalan ni Nora Aunor sa hindi opisyal na listahan ng mga nominee para sa National Artist, na ang ipinagtataka namin ay unang lumabas sa isang hindi kilalang blogger, kumalat dahil sa ilang fans, at hindi lumabas sa mga lehitimong media, maging sa mismong website ng Cultural Center of the Philippines (CCP) o ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Siguro nga kaya hindi naman pumapalag ang mga alagad ni Nora, kasi hindi opisyal ang statement. Kung iyan ay lumabas na opisyal na pahayag ng CCP at NCCA, at pinatulan ng lehitimong media, nagkagulo na iyan.
Pero kung kami nga ang tatanungin, mas mabuti ngang hindi nila isama si Nora ngayon sa kanilang nominasyon. Ni-reject na siya bilang National artist ni Presidente Rodrigo Duterte noong una. Kasama siya sa nominasyon pero hindi gumawa ng isang presidential proclamation si Presidente Digong para siya maging National Artist.
Kung uulitin mo ngayon ang nominasyon, masasabi mo bang sa pagkakataong ito ay hindi na siya iba-bypass ni Presidente Digong? Alalahanin ninyo na siya pa rin ang presidente at na-bypass na niya noong una si Nora. Iyan ay isang presidential prerogative at walang may karapatang magtanong sa kanya kung ano ang dahilan para i-bypass si Nora.
Bago naman si Presidente Digong, na-by pass na rin siya ni Presidente Noynoy Aquino. Wala rin namang nagtanong kay Presidente Noynoy kung bakit na-by pass si Nora. Kahit na sabihin pang nangako ba o nagbigay si Kris Aquino kay Nora ng P1-M para maoperahan ang lalamunan niya, hindi matatakpan niyon ang katotohanan na ibinasura ni dating pangulong Noynoy ang nominasyon ni Nora bilang National Artist.
Noon namang panahon na ang presidente ay si Gloria Macapagal Arroyo na ikinampanya at kakampi pa ni Nora, hindi naman siya kasama sa nomination dahil nasa US pa siya noon at naiipit pa ng kaso sa droga. Ni hindi nga nangyari iyong pangako noon ni NBI Chief Reynaldo Wycoco na padadalhan siya ng abogado sa US eh, at tahimik lang si presidente Gloria noon sa kaso, droga kasi iyon eh at sa US pa.
Ang paniwala naming, ituloy ang nominasyon ni Nora kung iba na ang presidente, at kausapin muna ng CCP at NCCA kung sino man ang kasunod na presidente bago nila i-nominate ulit si Nora, para naman hindi na siya malagay sa nakahihiyang sitwasyong ma-reject sa ikatlong pagkakataon.
HATAWAN
ni Ed de Leon