Saturday , December 21 2024

Pinakakinatatakutan natin sa CoVid-19 nangyayari na

KASABAY ng realidad na gumulantang sa atin tun\gkol sa katotohanan, panganib, at walang patawad na pananalasa ng CoVid-19, masusi nating pag-isipan kung paanong umabot sa puntong nakapagtala na tayo ng pinakamataas na 5,000 bagong kaso sa isang araw.

At para na rin sa ating kapakanan, kalimutan na natin ang pagpapanggap ng Palasyo na naging ‘excellent’ o ‘very well’ sa pagtugon sa pandemyang ito. Maaaring ipagyabang ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., sa bawat panayam sa kanya hanggang tuluyan na niya itong paniwalaan, pero habang nagpapatuloy ang pagdami ng mga kaso ng CoVid-19 at hanggang ang apat na milyong nawalan ng hanapbuhay ay nananatiling walang trabaho, alam nating lahat na walang katotohanan ito.

Nakatutok ang ating gobyerno sa pagtatakda ng parameters sa naitala nating 2.09 porsiyento, o ang kakayahan ng sektor ng kalusugan na matugunan ang malalalang kaso ng pagkakasakit, bilang tagumpay sa laban kontra pandemya – mga argumento na nagbigay-pahintulot kay Roque upang tapikin ang IATF at ang National Task Force Against CoVid-19 sa likod nito, gaano man nababaluktot ang mga likod nila sa bigat ng katotohanang nakabatay sa mahahalagang estadistika.

Nitong Linggo, nagising tayo at nagkandidilat sa bagong datos ng DOH na nakapagtala na ng 616,611 kompirmadong kaso ng CoVid-19 sa bansa, kabilang ang 5,000 bagong nahawaan; 56,679 aktibong kaso; 547,677 napagaling; at 12,766 pagkamatay. Ang mga iyan ay kabilang sa pinakanakababahalang bagong bilang na naitala ng ating bansa kasabay ng pagdiriwang ng unang weekend anniversary ng pandaigdigang krisis pangkalusugan na ito.

Ang patuloy na paniwalaan ang maling deklarasyon na “very well” na nagagampanan ng administrasyong Duterte ang pagtugon sa krisis, kung ikokompara sa nararanasan natin ngayon, ay mistulang pagtayo sa ibabaw ng kumunoy. Isa iyong mentalidad na kaparis ng pagdududa ni Brazilian President Jair Bolsonaro tungkol sa katotohanan ng CoVid-19 nang simulan nito ang pananalasa noong nakaraang taon. Tinawag niya itong “little flu” at iginiit na huwag siyang bakunahan kahit pa naglunsad ng mass vaccination program ang kanyang pamahalaan.

Kahit ang “duda sa coronavirus” na ito ay bumaligtad na noong nakaraang linggo, hinarap niya ang katotohanan habang nakasuot ng face mask at pinipirmahan bilang batas ang tatlong bagong panukala na magpapabilis sa pagbili ng bakuna ng kanyang bansa.

Gayonman, napakatagal na panahon ang inabot bago niya napagtanto ang katotohanan, na sana ay naaksiyonan kaagad, kaya naman umabot sa 11.278 milyon sa kanyang 212 milyong mamamayan ang dinapuan ng CoVid-19, at 272,889 dito ang namatay – kabilang ang 2,233 pumanaw nitong Marso 11 lamang. Tinukoy ng WHO ang Brazil bilang ikalawa sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng virus sa buong mundo, at sinisi sa pagbabago ng virus na nagresulta sa bagong “Brazilian variant na nakababahala.”

May mangangahas bang magpadala ng isang truck ng good sense sa tarangkahan ng Malacañang? Sana ay iyong good sense na nakabatay sa siyensiya at estadistika tulad ng post na ito ni Raffy Evangelista, na ang sabi: “Ang ating pinakahuli at pinakatumpak na batting average, pagdating sa pagbabakuna, ay nasa 30,000 taong naturukan sa loob ng isang linggo. Kung ang kabuuan ng ating populasyon ay 100 milyon, 70% (para maisakatuparan ang herd immunity) nito ay 70 milyon. Kapag hinati ang 70 milyon sa 30,000 ay lalabas ang 2,333 kada linggo. Ang 2,333 linggo ay katumbas ng 44 taon. Kung magpapatuloy ang pagbabakuna natin sa kasalukuyang bilang na 30,000 katao, aabutin ng 44 taon ang Filipinas bago nito maabot ang minimithing herd immunity!”

Mahalagang ikonsidera ito sa kasalukuyang laban natin kontra COVID-19, Spox Roque. Dahil maliwanag namang hindi sapat at hindi epektibo ang ginagawang pagbabakuna sa Pilipinas, habang napakabilis ng pagdami ng nahahawahan ng virus. At para naman sa publiko, sana alam ninyong hindi naman ito kakayanin ng gobyerno nang mag-isa; at hindi nga rin sapat ang ginagawa nito.

Huwag nating ipagbunyi na hindi tayo babalik sa lockdown, na epektibong nakapigil sa maramihang hawaan noong Hulyo. Sa halip, pagtuunan natin ang mas malawak na kamulatan at ang nag-uumigting na determinasyon na panatilihing ligtas ang ating mga sarili, ang ating mga pamilya, at ang ating mga komunidad sa pagtalima sa minimum health safety protocols. Totoong nakauumay ang mga patakarang ito at ang pagbababad natin sa bahay, pero isa itong responsibilidad na dapat nating tuparin, at isang laban na pinakaepektibo nating maipapanalo kung nasa loob tayo ng bahay.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *