NAGKAROON ng isang resolusyon ang konseho ng Lunsod ng Maynila sa pangunguna ni Vice Mayor Honey Lacuna, na nilagdaan din ng mga konsehal ng lunsod na nag-eendoso kay Congresswoman Vilma Santos bilang isang National Artist. Ang resolusyon ay pinalabas nila, ipinadala sa committee na mag-aaral doon at mismong ini-announce ni Yorme Isko Moreno sa kanyang ulat sa bayan, iyong Capital Reports. Inanyayahan pa nila si Congw.Vi na maging guest maski na via zoom, sa Capital Reports.
Sinabi ni Mayor Isko na ang ginawa ni Ate Vi na paglilingkod sa bayan ay nakapagbigay din ng inspirasyon sa kanya at nagsilbing gabay sa kanya. Sabi pa niya, si Ate Vi ay isang tunay na Batang Maynila dahil ipinanganak ito sa lunsod ng Maynila kaya magsisilbing malakas na inspirasyon iyon sa mga kabataan ng lunsod.
Nagpasalamat naman si Ate Vi sa konseho at kay Yorme at sinabi ngang tatanawin niyang isang malaking utang na loob habanbuhay ang karangalang iyon na ipinagkaloob sa kanya ng Maynila.
Sa totoo lang, iyang karangalang national artist, ang namimili lamang niyan ayon sa batas, at pinagtibay pa ng isang desisyon ng Korte Suprema ay ang joint committee ng CCP at NCCA. Tapos ang nominasyon ay dadalhin nila sa Pangulo ng Pilipinas na siyang gagawa ng isang proklamasyon na sila nga ay national artist na.
Sa desisyon ng Korte Suprema, kaugnay niyong naging demanda ng ilang national artists sa ginawang pagdagdag ni dating presidente Gloria Macapagal Arroyo sa listahan, sinasabing maging ang presidente ay hindi maaaring basta magdeklara nang hindi dumaan sa joint committee. Pero pinagtibay din ng korte ang “presidential prerogative” dahil maaari namang i-reject ng pangulo ang sino mang nominado ng committee na sa tingin niya ay hindi nararapat sa karangalan.
Ganyan ang nangyari noong gamitin ni dating presidente Noynoy Aquino ang kanyang prerogative, at hindi isama sa kanyang proklamasyon si Nora Aunor. Naulit pa iyan nang tanggihan din ni Presidente Digong si Nora. Gayunman iginigiit ng joint committee na dahil dati nang nominated si Nora, mananatili ang kanyang nomination kahit na-reject pa siya ulit ng pangulo, hanggang sa may isang presidenteng magdeklara sa kanya, o iurong na lamang ng joint committee ang kanyang nomination.
Sa kaso naman ni Ate Vi, hindi naman siya naghahabol sa karangalang iyan sa ngayon dahil sinabi nga niya na hindi pa naman siya tapos sa showbusiness. Babalikan pa niya iyan at marami pa siyang gagawin. Pero iyong ideklara ka ngang artista ng bayan ng lunsod ng Maynila, napakalaking bagay na niyon.
HATAWAN
ni Ed de Leon