NAKALULUNGKOT na balita na wala na si Mang Ben Farrales, ang itinuturing na dekano ng mga couturier na Filipino. Bagama’t sinasabing ang talagang nagpasikat ng ternong Pilipino para magamit sa mga formal occasions ay ang mas naunang si Mang Ramon Valera, hindi maikakailang malaki ang ginawang mga pagbabago ni Mang Ben na nagpasikat sa ternong Pilipino maging sa abroad.
Lahat halos ng mga sikat na aktres noong araw, gaya nina Amalia Fuentes na naging modelo pa ni Mang Ben, si Susan Roces, at maging ang mga nauna pang sina Gloria Romero, Rosa Rosal, at maging si Carmen Rosales ay ipinagmamalaking ang suot nilang gown ay gawa ni Mang Ben. May panahon kasi na kung ang gown mo ay hindi gawa ni Mang Ben, o Pitoy Moreno, at iba pang kasabayan nila, hindi ka sosyal.
Lahat halos ng mga ternong isinusuot ng dating unang ginang Imelda Marcos ay gawa ni Mang Ben, at sinasabi ngang lahat ng mga first ladies simula pa noong dekada 50, nagpagawa ng terno kay Mang Ben.
Ipinagluluksa ng fashion industry at showbusiness din ang pagpanaw ni Mang Ben noong Sabado ng hapon.
HATAWAN
ni Ed de Leon