ni Ed de Leon
YUMAO ang fashion icon na si Ben Farrales, matapos ang anim na buwang pagkakaratay sa sakit.
Dakong 5:00 pm, Sabado, 6 Marso nang bawian ng buhay si Mang Ben.
Si Farrales na nakatawag ng atensiyon hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa buong mundo, ay nagsimula ng kanyang karera noong dekada 50.
Isa siya sa nakipagsabayan noon sa kinikilalang pinaka mahusay na couturier na si Ramon Valera, isa ring Filipino.
Si Farrales ang nagbigay ng bagong mukha sa tradisyonal na ternong Filipino at nagpasikat sa mga disenyong batay sa kultura ng mga Muslim.
Ang nakatatandang kapatid ni Mang Ben na si Aida ay naging asawa ng dating congressman at nang malaunan ay senador na si Salipada Pendatun, na isang Muslim.
Si Mang Ben ang unang kumuha sa aktres na si Amalia Fuentes bilang modelo, at isinabay niya sa iba niyang malalaking modelo noong panahong iyon.
Sinasabing si Mang Ben ang isa sa paboritong couturier ng dating unang ginang Imelda Romualdez-Marcos.
Itinuturing na dekano ng mga fashion designers sa Filipinas, si Mang Ben ay nagsimula ng mga proyektong tumutulong sa Red Cross.
Siya ang nagsimula ng taunang Flores de Mayo sa Manila Hotel na itinatampok ang mga gawa ng mga designer na Filipino.
Nangunguna si Mang Ben sa pinakamalaking pista ng Sto. Niño tuwing Enero bilang pangulo ng Congregation del Santissimo Nombre del Nino Jesus.
Matagal naospital si Mang Ben, ayon sa mga sources. Inabot siya nang mahigit na anim na buwan sa ICU hanggang bawian ng buhay kaninang hapon.
Si Mang Ben ay may naiwang tatlong ampong anak na lalaki. Hinihintay ang ibang announcements ng kanyang burol na inaasahan ilang oras mula ngayon.