ANG nangyayari ngayon sa Myanmar ay parang pag-atake ng CoVid-19 sa demokrasya nito. Para sa akin, udyok ito ng pagiging arogante at kahiya-hiyang kawalan ng malasakit sa mamamayan kaya nagawa ni Senior General Min Aung Hlaing na mang-agaw ng kapangyarihan at igiit ang kanyang ambisyon, kahit pa alam niyang mapanganib ang kahihinatnan nito ngayong may pandemya.
Sa pang-aagaw niya ng kapangyarihan mula sa isang gobyernong lehitimong inihalal ng mga tao, pagkatapos ng nakalululang panalo sa eleksiyon noong Nobyembre, umiral kay Min Aung Hlaing ang tradisyoonal na disgusto ng militar sa pamunuang sibilyan. Umatake ang kanyang mga sundalo noong madaling araw ng 1 Pebrero, ikinulong si State Counselor Aung San Suu Kyi, ang de facto leader na sanay na sanay nang dinarakip ng militar bilang tanyag na personalidad mula sa mayorya ng multi-ethnic society ng Myanmar.
Si President Win Myint, ang tagasuporta ni Suu Kyi, at ang pamunuang politikal na kanyang binuo sa ilalim ng kanyang National League for Democracy (NLD) – na ilang dekada nang pumapalag sa diktadurya ng militar – ay inaresto rin. Sa ngayon, ang kabiserang Naypyitaw ay naging sentro ng kabi-kabilang kilos-protesta at civil disobedience sa apelang ibalik sa puwesto ang popular nitong gobyerno.
Ang parehong panawagan ng pagbabalik ng kaayusan sa Myanmar ay sinegundahan ng ating si Philippine Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., sa pamamagitan ng isang himutok na sumisisi sa Western world sa paglalagay kay Suu Kyi sa pedestal ng demokrasya na idinisenyo upang gamitin ang parehong estratehiya sa pagsira at pagdurog sa kanyang reputasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng sarili niyang kagustuhan at pagpapasya sa isang dekada pa lamang at malamya pa nitong gobyerno.
Sa kalagitnan ng malalang pandaigdigang sitwasyon ng pandemya, dinagdagan pa ng junta ng Myanmar ang problema ng pangkalusugang sektor at ekonomiya nito. At bagamat binabanggit ni Min Aung Hlaing ang muling pagdaraos ng malayang eleksiyon, sa katuwirang nagkadayaan daw sa pagkakapanalo ng NLD, anong kredibilidad mayroon ang leader ng junta na tanggapin niya ang paghahalal ng mamamayan sa susunod na taon kung tinanggihan niyang kilalanin ang eleksiyon noong nakaraang taon?
Nabanggit ko ba na ang Tatmadaw, ang puwersang militar ng Myanmar, ay nakasuporta sa pangunahing partido ng oposisyon?
Nakapanlulumo at nakalulungkot mang isipin, maging ang mga ikinakasa ngayong kilos-protesta – bagamat pinagkakaisa ang watak-watak na paksiyong sibilyan at mga minoryang etniko – ay maaaring pumabor pa kay Min Aung Hlaing. Kung mananaig ang malawakang pagkilos ng mamamayan, maidadahilan niya ang nangyayaring kaguluhan para bigyang-katuwiran ang pamumuno ng militar at ang pananatili niya sa kapangyarihan. Ang huling pagkakataon na pinamunuan ng military junta ang Myanmar, tumagal ito ng 23 taon – ang mismong pamunuan ng militar na pinaglaanan ni Suu Kyi ng kanyang buong buhay politikal para mapatalsik gamit ang kanyang simboliko at kakaibang kahinahunan bilang isang militanteng idinetine. Hinihiling ba ng kanyang kapalaran na gawin niya itong muli?
Matapos na ang dalawang nagpoprotesta ay napatay sa mga bala na pinakawalan ng security forces nitong Linggo, bumaha ang pandaigdigang pagkondena sa karahasan ng militar bilang tugon sa pagkontra ng mamamayan sa mga nangyayari. Mas makabubuti para sa Myanmar kung pakikinggan ng pinuno ng mga nagkukudeta ang panawagan ng mamamayan.
Ang tanging problema lang, gaya ng sinabi ni dating Australian ambassador to Myanmar Nicholas Coppel sa mga nalathala niyang panayam: “Ang pinakamataas na heneral ay hindi iyong tipong nakikinig — siya ang magsasalita at obligadong makinig ang iba… Ang ganitong estilo ng pamamahala ng nag-iisang makapangyarihan ay pumapabor lamang sa kawalan ng kaalaman at kayabangan.”
Pinatunayan ng obserbasyong ito na si Min Aung Hlaing ay gaya ng naiisip ko tungkol sa kanya – isa pang diktador. Pero higit pa rito ang karapat-dapat para sa Myanmar!
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.