NATUWA si Senador Win Gatchalian sa pagpasa ng Senado sa panukalang magsasaayos sa mga umiiral na batas at magtatatag ng regulasyon sa lokal na industriya ng liquefied petroleum gas (LPG) upang pangalagaan ang kapakanan ng mga konsumer laban sa mga tiwaling negosyante at mapadali ang pagpapalit ng tanke ng mga mamimili.
“Ang layon natin dito ay siguruhing may pamantayan ang industriya upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili. Nais din natin silang bigyan ng pagkakataong makapamili ng tatak ng LPG. Sa ngayon kasi, kung gusto mong magpalit ng tatak ng LPG dahil mas mura, kailangan mo munang bumili ng bagong tanke o silindro,” aniya kaugnay ng Senate Bill No. 1955 o ang panukalang LPG Act.
Pinunto ni Gatchalian ang kawalan ng regulatory framework para pangasiwaan ang lokal na industriya ng LPG, dahilan kaya hindi matugunan ang mga isyung may kinalaman sa LPG katulad ng mga aksidenteng nangyari sa Serendra condominium complex sa Taguig City noong 2013 maging ang nangyari sa isang water refilling station sa Sampaloc noong 2019 at ang pinakahuli, sa isang restaurant sa Makati City. Lahat ito ay dahil sa pagsabog ng LPG.
Ayon sa Energy Committee Chairman, mahalagang masiguro ang ligtas na paggamit ng LPG lalo pa’t maari itong pagmulan ng sunog at pagsabog kung hindi tama ang pamamahala nito.
Ang panukalang National Energy Policy and Regulatory Framework for the Philippine LPG Industry ay layong magtatag ng LPG Cylinder Improvement Program para masigurong ang mga depektibong tanke ay maalis na sa sirkulasyon at mapalitan ng mga bago nang sa gayon ay mabawasan ang mga pagsabog at sunog dulot ng LPG.
Sa ilalim ng nasabing batas, magkakaroon ng Cylinder Exchange and Swapping Program para mas maging madali sa mga konsumer ang pagpapalit ng tatak ng LPG. Maaari na silang bumili ng ibang tatak ng LPG gamit ang lumang tane sa kahit saang retail outlet.
Marami nang bersiyon ng panukalang batas ang inihain mula pa noong 2004 sa pag-asang makapagtatag ng national energy policy and regulatory framework upang pamahalaan ang importasyon, refining, refilling, transportasyon, pagdadala, distribusyon at pagtitinda ng LPG maging ang produksiyon, requalification at pagpapalit ng LPG pressure vessels.
Ang domestic consumption ng LPG ay patuloy na tumataas ng anim na porsiyento taon-taon ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). (NIÑO ACLAN)