INIISIP kong dahil sa pandemic at sa iba pang mga nangyayari ngayon, pipiliin na ng mga tao ang magpakabuti kaysa gumawa ng masama. Hindi ko itinuturing ang sarili ko na relihiyoso o matuwid na tao, pero sapat na marahil ang matitinding krisis na kinakaharap natin sa ngayon upang magsisi tayo sa ating mga naging kasalanan at tuluyan nang magbagong-buhay, ‘di ba?
Kaya naman nakababahala na habang ang ilan sa atin ay naging mas madasalin ngayon — at wala akong intensiyong husgahan ang iba — nagagawa pa rin ng ilan na maging malupit at gumawa ng masama sa kanilang kapwa.
Gaya na lang halimbawa ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro, na ang pagtrato sa kanyang kasambahay ay gumimbal sa mundo. Nasaksihang lahat ito sa mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa kanyang tinutuluyan sa Brasilia.
Pisikal na pananakit at masasakit na salita ang inabot ng overseas Filipino worker (OFW) sa kamay ni Amb. Mauro. Hindi kailangang maging matalino ang isang tao para hindi maunawaan ang kanyang napapanood, kung paanong todo-ilag hanggang sa napapayuko na lang ang kaawa-awang babae sa sakit at takot habang tinatanggap ang pisikal na kalupitang hindi dapat na dinaranas ng sinuman.
Ayon kay Sen. Miguel Zubiri, halos hindi niya magawang panoorin ang CCTV footages dahil awtomatikong kumukulo ang kanyang dugo sa galit. Gaya ng senador mula sa Bukidnon, ang 51-anyos na kasambahay ay isa ring Mindanaoan mula sa Cotabato, at nakikipag-ugnayan na ang mambabatas sa pamilya nito. Sinabi ni Zubiri na bagamat mapagpatawad ang kaawa-awang OFW, malinaw daw sa batas na hindi sasapat ang simpleng paghingi ng paumanhin sa ganoong klase ng pang-aabuso.
Batay sa mga nalathalang ulat, sinabi ng senador na posibleng nilabag ni Amb. Mauro ang tatlong batas – ang Code of Conduct for Ethical Standards for Public Officials and Employees (R.A. 6713), Article 266 ng Revised Penal Code na tumutukoy sa bahagyang pinsalang pisikal, at pagmamaltrato alinsunod sa Kasambahay Act (R.A. 10361).
Ang paglabag sa mga batas na ito ay may karampatang parusang kriminal at administratibo, na hindi ko hinihiling para sa kahit sino. Gayonman, mismong ang ambassador ang naglagay ng kanyang sarili sa ganoong sitwasyon, kaya naman kahit ang Department of Foreign Affairs (DFA), ang makapangyarihang institusyong kanyang kinabibilangan, ay hindi siya magawang ipagtanggol.
At base sa utos ng Pangulo kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., na imbestigahan ang insidente, malinaw na nais niyang gawing halimbawa si Amb. Mauro sa iba pang Philippine envoys na pinagkatiwalaang pangalagaan at protektahan ang kapakanan ng lahat ng mga Filipino na nasa ibang bansa – partikular ang mga OFW, na paulit-ulit niyang tinatawag na “mga bayani sa makabagong panahon.”
Naniniwala ang kolum na ito na iyon mismo ang dapat gawin ng ating gobyerno.
Kung hindi lang napoprotektahan pa rin si Mauro ng kanyang mga karapatan at pribilehiyo bilang isang diplomat, naniniwala ako na nakakulong na marahil siya ngayon at nililitis ng mga awtoridad sa Brazil – isang maliwanag na sukatan kung paanong pinoprotektahan nila ang mga karapatang pantao ng isang dayuhang manggagawa sa kanilang bansa.
Ang pagiging ambassador ay isang sagradong tungkulin bilang kinatawan ng gobyerno para sa mga Filipino na nasa banyagang lugar. Batid ni Amb. Mauro na hindi lamang siya basta amo ng Pinay niyang kasambahay, subalit siya rin ang alter ego ng buong gobyerno ng Filipinas para sa naturang kasambahay: ang kanyang DFA, ang kanyang DOH, ang kanyang DOLE, ang kanyang PNP, ang kanyang DSWD, ang kanyang Comelec, at higit sa lahat, siya ang kanyang Presidente.
Ganito ba tinatrato ng ating gobyerno ang ating OFWs? Umaasa akong hindi ganito ang maging pang-unawa ng mundo. Kung hindi, babalewalain lang ng ibang mga gobyerno ang anumang reklamong ihahain sa kanila ng ating mga ambassador para sa kapakanan ng mga naabuso nating kababayan sa ibang bansa.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.