KAWALAN ng drying machine at storage facilities ang nakikitang dahilan ni Senador Imee Marcos sa mas bagsak at paluging bentahan ng palay ng mga magsasaka, dagdag pa ang maulang panahon ng anihan ngayong Oktubre.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang mga basang palay na dating naibebenta sa P15 kada kilo nitong nagdaang mga linggo ay palugi nang ibinebenta ng mga magsasaka na mas mababa pa sa kanilang average production cost na P12 kada kilo.
“Sa ngayon hindi na iniisip ng mga lokal na magsasaka ang kanilang kita, basta tinatapyas na lang nila ang mga lugi at binabayaran ang mga pagkakautang. Napakahirap ng kalagayan ng mga magsasaka, tila inabandona at pinagbagsakan ng langit at lupa, wala lang silang magawa,” ani Marcos.
Pinakamababang farm gate price ngayon ng palay base sa report ay nasa P10 kada kilo sa Bicol region at Capiz habang nasa P11 hanggang P13 pesos sa iba pang mga probinsiya.
“Tumataas din ang production cost ng mga magsasaka sa pagpapatuyo ng mga palay sa mga drying machine ng kooperatiba mula piso hanggang dalawang piso kada kilo, bukod pa rito ang hirap nila sa paghihintay sa mahabang pila,” diin ni Marcos.
Sinabi ni Marcos, sa Nueva Ecija na itinuturing na rice granary sa Central Luzon, tumaas rin ang bayad sa mga inuupahang harvester dahil sa pag-ulan, mula sampung kaban na bayad, umakyat na ito sa 15 kaban kada 100 kaban na kanilang maaani.
“‘Yung ilang magsasaka e, napipilitan nang huminto sa pag-ani ng palay dahil sa mga pag-ulan, kaysa naman magbayad pa sila ng mas malaki sa mga harvester at malugi sa rice traders,” ayon kay Marcos base na rin sa sumbong ng farmers sa kanyang tanggapan.
“Tinatiyaga na lang nilang magpatuyo ng mga palay na kasya sa bahay nila. ‘Yung ibang palay na nag-iiba na ang kulay dahil nabasa ibinebenta na sa mas mababa pang presyo bilang broken rice o kaya ay patuka,” dagdag ni Marcos.
Hindi rin maibenta ng mga magsasaka ang kanilang palay sa alok ng gobyerno na P19 kada kilo dahil paulit-ulit din itong tinatanggihan ng National Food Authority (NFA) sapagkat lagpas sa pinapayagang 14% moisture content nito.
“‘Yung totoo, puno ang mga bodega ng imported na bigas. Tinapyasan ang badyet ng NFA, bunsod ng alegasyon ng korupsiyon, at halos nagastos na ang kanilang pondo sa simula pa lang ng pandemya. Halos wala nang pera para ipambili ng mga bagong ani,” pagdidiin ni Marcos.
Nagrereklamo rin ang mga magsasaka sa ‘di patas na pagpapatupad ng batas na bawal magpatuyo ng palay sa mga pampublikong kalsada, gayong ginagawa ito ng mga rice trader na may basbas ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan, matapos mabili sa napakamurang presyo ang mga palay.
Umaapela si Marcos sa Department of Agriculture na magbigay ng mas maraming drying machines at magtalaga ng mga storage facilities para maiwasang masayang ang napakaraming ani kahit panahon ng tag-ulan at pahintulutan ang mga magsasaka na makapagbenta ng tuyong palay sa tamang presyo.
Sa ngayon, isinusulong ni Marcos na ‘wag isabay ang importasyon ng mga bigas sa panahon ng anihan ng Marso-Abril at Setyembre-Oktubre para hindi kailangan makipagkompetensiya ng mga magsasaka sa maluwag na proseso ng importasyon sa ilalim ng Rice Tarrification Law.
Binigyang-diin ni Marcos na kayang punan ng ating lokal na mga magsasaka ang 93% ng bigas sa bansa at hindi dapat iasa ang ating supply ng pagkain sa mga murang import na maaaring mabago depende sa prayoridad ng mga bansang nag-e-export. (NIÑO ACLAN)