Monday , December 23 2024
Grace Poe

Aplikasyon sa prankisa ipasa na — Poe

HINIMOK ni Sen. Grace Poe ang kanyang mga kasamahan sa Senado na ipasa ang aplikasyon para sa prankisa ng 11 kompanyang mula sa iba’t ibang sektor gaya ng tele­komunikasyon, broadcast, paliparan, koryente at karerahan.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Poe. ang pagkakaloob ng prankisa ay pagbibigay-importansiya sa interes ng publiko sa mga nasabing sektor at sa kanilang kakayahang makatulong sa ekonomiya na nalugmok dahil sa pandemya.

“Kailangan natin ng mas marami pang player para magkaroon ng masiglang kompetisyon, gayondin ang pag-unlad, pagkamalikhain at pagpapabuti sa mga sektor. Magbubunga ito sa katagalan ng mas maraming trabaho at mas mabuting serbisyo-publiko,” ani Poe.

Ang mga kompanya ng telekomunikasyon (telcos) na inendoso ng panel ng senadora para patuloy na mag-operate ay Cruz Telephone Company, Bayan Telecommunications Inc., at Tandag Electric and Telephone Company Inc.

Sinabi ni Poe, ang operasyon ng mga telco sa mga lugar na hindi halos nakakukuha ng ganitong serbisyo ay “mayroong mahalagang papel sa layunin nating ihatid ang digital service saan mang sulok ng bansa.”

Para sa broadcast sector, binanggit ng senadora na ang apat na kompanyang nagpapa-renew ng prankisa ay hindi lamang magdadala ng impormasyon sa mga tao sa baryo kundi lilikha rin ng mga trabaho.

Ang mga kompanyang ito ay FBS Radio Network Inc., Century Communications Marketing Center Inc., Caceres Broadcasting Corp., Negros Broadcasting and Publishing Corp., at Philippine Collective Media Corp.

Inirekomenda rin mabigyan ng prankisa ang Davao Light dahil sa “maayos na pagpapatakbo ng kompanya” gayondin ang Metro Manila Turf Club Inc., na nag-o-operate ng karerahan sa isang first-class development project sa Batangas at pinani­niwalaang makapag­papaangat sa industriya ng karera ng kabayo sa bansa.

Sinabi ni Poe na ang pagtatayo ng isang bagong paliparan ay “hindi lamang tungkol sa kinabukasan” kundi isang “obligasyon na matagal na dapat ginawa.”

Ito ang dahilan kung kaya’t inendoso rin ng kanyang panel ang pagbibigay ng prankisa sa San Miguel Aerocity Inc., na nagnanais magtayo at magpatakbo ng domestic at international airport sa Bulakan, Bulacan.

“Ang kakayahan ng mga paliparan na lumikha ng trabaho at mag­payabong ng turismo ay mahalaga lalo ngayong tayo’y lubhang apektado ng pandemya,” saad ni Poe.

Ilalapit din nito ang bansa sa hangaring mag­karoon ng panibagong paliparan na mag­papaluwag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“Gaya ng mga lansangan natin kung saan gumagapang ang mga pampublikong trans­portasyon dahil laging barado, ang pangunahing paliparan ng Maynila ay puno at overloaded na nga. Dahil napapaligiran ang NAIA ng mga bahay, pabrika at opisina, wala na itong lugar para mapa­lawak. Ang sabi nga, para na itong isang malaking aircraft carrier na hindi na makalipad at walang pupuntahan,” ani Poe.

“Ang tanging magagawa ng NAIA ay humanap ng panibagong lugar gaya ng ginawa ng dalawa sa pinakamalalaki, pinakamoderno at pinakabagong paliparan sa mundo, ang Istanbul at Beijng. O kaya naman, i-reclaim ang dagat sa tabi nito gaya ng ginawa ng Hong Kong,” dagdag ng senadora.

Aniya, ang proyekto ay magiging daan para mabigyan ng trabaho ang maraming Filipino, kabilang ang mga nagbabalik-bayang OFWs para sa konstruksiyon ng paliparan. Ang mga nakatira sa Taliptip kung saan itatayo ang airport ay nakahanda nang magsanay sa ilalim ng TESDA para sa mga kursong magbibigay ng angkop na kakayahan para sa pagpapatayo ng paliparan.

Sa pagpapasa ng prankisa, binanggit ni Poe na ang pagtatayo ng airport ay magsisimula sa loob ng isang taon at tatapusin nang 12 taon na walang gagastusin ang gobyerno. Pagkatapos ng 50 taong buhay ng prankisa, ililipat sa pamahalaan ang pagmamay-ari ng airport nang wala rin gagastusin ni isang sentimo.

Isinasaad ng franchise bill na ang airport developer ay hindi pagbabayarin ng buwis, direct man o indirect, sa loob ng 10 taong construction period.

Pagkatapos ng construction period na ito at sa loob ng 40 taong buhay ng prankisa, ang proyekto ay hindi papatawan ng income at property taxes hangga’t hindi nababawi ang puhunan. Pagkaraan ng panahong ito ay saka lamang papatawan ng lahat ng uri ng buwis ayon sa batas.

Bukod sa buwis na ipapataw pagkatapos mabawi ng airport ang puhuhan, mayroon din share ang pamahalaan sa kikitain ng paliparan na sosobra sa profit margin nitong 12 porsiyento, ayon sa panukalang batas.

(CYNTHIA MARTIN)

About Cynthia Martin

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *