BUHAY pa ang ABS-CBN kahit ‘pinatay’ ito sa kongreso, may dalawang linggo na ang nakararaan.
Ito ang sinabi ngayon ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, na nagsabing gagawin nila ang lahat upang muling buhayin ang network.
Ito ay matapos hilingin ni Zarate, kasama ang lima pang kongresista sa 305 miyembro ng Mababang Kapulungan na ratipikahan ang naging desisyon ng 70 kongresman na nag-akda sa pagbasura sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Kasabay nito, hiniling ni Zarate sa House Committee on Legislative Franchises na isumite sa plenaryo ang ulat ng technical working group, gayondin ang committee resolution upang maratipikahan na.
Nauna rito, napuno ng pagdududa ang ilang kongresista sa ipinalabas na report ng TWG matapos aprobahan ng komite, gayong ito ay hndi pa tiyak at nananatiling kuwestiyonable.
Sa ipinadalang liham ng grupo ni Zarate sa committee chairman na si Rep. Franz Alvarez, hinimok nila ang huli na atasan ang kabuuan ng Kapulungan na magdesisyon sa ABS-CBN franchise renewal.
Ito, ayon sa anim na kongresista ay dahil napagkaitan anila ng pagkakataon ang 305 mambabatas na bomoto bilang kinatawan ng kanilang mga nasasakupang distrito na lubhang naapektohan ng desisyong ito ng komite.
Kabilang sa mga lumagda sa liham na ipinadala kay Committee Chairman Alvarez nitong 20 Hulyo, sina Ferdinand Gaite ng Bayan Muna; Eufemia Cullamat ng Bayan Muna; France Castro ng ACT Teachers; Arlene Brosas ng Gabriela, at Sarah Jane Elago ng Kabataan party-list, pawang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara.
Matatandaan noong 10 Hulyo, ibinasura ng franchise committee sa pamamagitan ng 70 votes ang hinihiling ng ABS-CBN, habang 11 ang pumabor para rito.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Alvarez na “laid on the table” na ang hinihiling na prankisa na nangangahulugang tuluyan na itong ‘napatay.’
Ayon sa mga kongresman ng Makabayan Bloc, hindi maituturing na ‘killed’ ang isang panukala kung ito ay tatawaging “laid on the table.”
“Kahit saang bahagi ng Rules, hindi mo makikita ang salitang ‘kill.’ Hindi pa ito ang katapusan. Pansamantala lamang ito,” anila.
Kuwestiyonable, anila ang TWG report na inaprobahan ng komite, dahil hindi umano malinaw kung ano ang napagkasunduan dito. Punong-puno rin anila ito ng mga salitang “it appears” na nangangahulugang walang kasigurohan.
Kabilang sa mga pinagdududahang bahagi ng report ang mga sumusunod:
- “There is a cloud of doubt on Mr. Lopez’ citizenship…”
- “The PDRs appear to have been utilized to allow foreign ownership…”
- “ABS CBN PDRs appear to have allowed foreigners…”
- “It appears the prescribed process… was not followed”
- “It is curious why the arbitration proceedings…”
- “ABS CBN TV Plus is akin to Cable TV”
- “There is reason to believe that ABS CBN …”
- “ABS CBN labor practices are less than exemplary…”
- “BIR Clearance does not mean absence of fraud”
Sa kabila ng mga kaduda-dudang nilalaman ng TWG report, inaprobahan pa rin ito ng komite kahit hindi pa ito pinagtibay ng iba’t ibang resource persons mula sa iba’t ibang ahensiya na dumalo sa pagdinig.
Dahil dito, sinabi ng mga naturang kongresista na mareresolba ang mga bagay na ito sa pamamagitna ng pagdedebate sa plenaryo at pag-aproba sa naging desisyon ng komite. (NIÑO ACLAN)