HINDI dahilan para gamitin ang Data Privacy Act (DPA) para hindi ihayag ang pagkamatay ng convicts sa New Bilibid Prison (NBP) .
Ito ang iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at sinabing dapat mayroong transparency sa Bureau of Corrections (BuCor) para mabantayan ang mga pag- abuso tulad ng pamemeke sa ‘stimulates deaths.’
Paliwanag ni Drilon, ang pagkamatay ay hindi isang personal information na dapat protektahan ng DPA gayondin ang death certificate ay maituturing na isang public document.
Sa ilalim umano ng DPA, ang mga personal information na hindi dapat ihayag ay race, ethnic origin, marital status, age at religious, philosophical or political affiliation, education, sexual life, social security numbers, health records, at tax returns.
Kaya kung papayagan umano ng BuCor na itago ang listahan ng mga namatay na convicts ay parang lisensya rin ito para ideklara nila kung sino ang buhay at patay sa NBP.
Nangangamba rin ang Senador na maaari itong magamit para biglang mawala ang isang preso, cover up ng extrajudicial killings, at maging mga pekeng pagkamatay.
Para kay Senate president Pro Tempore Ralph Recto, magbigay lamang ng retrato ng katawan o bangkay ng mga sinasabing high profile convicts na namatay dahil sa COVID-19 sa NBP ay sapat na.
Aniya, hindi naman kailangang isapubliko ang retrato kundi ipakita lang kay Justice Secretary Menardo Guevarra para makompirma na patay na ang preso.
Para maalis umano ang pagdududa ng publiko at mailibing na rin ang mga sinasabing nasawi.
Sang-ayon din si Senador Christopher “Bong” Go na kailangan malaman ang tunay na pagkamatay ng high profile convicts kasabay nito ay malaman kung may pagkukulang sa bahagi ng mga opisyal ng Bucor.
Nauna nang naghain si Senate President Vicente Sotto III ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang pagkamatay ng umano’y drug convicts sa NBP dahil sa COVID-19. (CYNTHIA MARTIN)