TALAGANG sinita ni Angel Locsin si Senador Tito Sotto na nakita niyang nag-like sa isang social media post na nagsasabing siya ay supporter ng NPA. Iyon naman ay nagsimula dahil sa pahayag niyang laban siya sa Anti-Terrorist Bill. Iyan namang mga nagla-like na iyan, hindi mo masabing si Senador Sotto iyon talaga, maaaring isa sa mga account administrator niya. Hindi mo naman masasabing siya pa mismo ang maghahalukay ng mga post sa internet.
Pero anyway, hindi nagustuhan ni Angel ang bintang na iyon. Sabi nga niya, basta ba naiba ang opinion mo, terrorista ka na agad? May mga ganyan ding bintang sa kanya dahil sa suporta niya kay dating partylist congressman Neri Colmenares, na kaya naman niya sinusuportahan ay dahil tiyuhin niya.
Bakit na naman ngayon sinasabi na nilang terrorista si Angel? Bakit noong nagtatayo siya ng mga tent para sa mga covid-19 patients at frontliners walang sinabing ganyan? Bakit noong tumutulong siya sa mga biktima ng pagsabog ng Taal wala ring ganyan. Bakit noong ipagbili niya pati kotse niya para makatulong sa mga biktima ng Ondoy wala ring sinabing NPA siya. Tapos, ngayong naiba lang ang kanyang opinion sa kanila, NPA supporter na siya agad?
Wala pa namang sinasabi si Tito Sen sa mga bagay na iyan at sa pagpuna ni Angel. Palagay namin hindi na lang niya papansinin iyon, lalo na’t kung hindi naman talaga siya ang nag-like. Iniisip din ni Angel na ireklamo ng cyber bullying ang nagsabi noon laban sa kanya. May katuwiran si Angel sa mga bagay na iyan at karapatan niya ang magreklamo.
Siguro naman may makikinig sa kanya kung magrereklamo siya.
Pero isipin nga naman ninyo ang lahat ng ginawa ni Angel, lalo na sa panahong ito ng lockdown, tapos pagbibintangan pa ninyong supporter ng mga terrorista? Nasaan na ang utang na loob ninyo?
HATAWAN
ni Ed de Leon