KUMUSTA?
Pagdating sa musika, nagsimula ang lahat noong 1984 pa.
Makaraang mapanood sa BBC News ang report ni Michael Buerk tungkol sa “biblical famine in the 20th century” sa Ethiopia, si Bob Geldof ng Boomtown Rats ay nahikayat tumulong sa paraang alam niya — ang sumulat ng kanta. Dinala niya ang orihinal na It’s My World kay Midge Ure ng Ultravox para aregluhin. Doon at noon isinilang ang Do They Know It’s Christmas? na kinanta ng Band Aid, o kalipunan ng mga sikat na mang-aawit sa Inglatera at Ireland noong Dekada ’80. Nang ito at ang Side B nito na Feed the World ay lumabas noong 3 December 1984, nanatili itong #1 sa loob ng limang linggo upang maging “fastest selling single in UK chart history” at ikaanim na pinakapaboritong Christmas song ng mga Ingles.
Sa buong mundo, ang nabentang kopya ay 11.7 milyon at nakalikom sila ng £8 milyon sa loob ng isang taon.
Ang pinakamahalaga, ito ay nakapagpamulat sa lahat.
Noong 1985, habang ang mga komedyante ay naengganyong gumawa ng kanilang Comic Relief, ipinagpatuloy ni Geldof ang nasimulan na naging Live Aid o isang mala-Woodstock na super-concert sa Wembley Stadium na umabot ng 16 oras at umani ng $127 milyon matapos ipalabas sa pamamagitan ng satellite sa 110 bansa. Nasundan pa ito ng Band Aid II (1989), Band Aid 20 (2004), Band Aid 30 (2014), at iba pang bersiyon sa buong daigdig.
Noong 1985 din naimpluwensiyahan din sina Michael Jackson at Lionel Richie para isulat at irekord ang We Are The World para sa proyektong USA for Africa. Nagwagi ito ng tatlong Grammy Award, isang American Music Award, at isang People’s Choice Award pero ang pinaka-importante ay kumita ito ng $63 milyon bilang “humanitarian aid” para sa Africa at Estados Unidos.
Para sa ika-25 anibersaryo nito, nagkaroon ng We Are The World 25 For Haiti sa tulong ni Quincy Jones na naging musical director ng 80 Artists for Peace and Justice na boluntaryong umawit para sa nasalanta ng lindol sa Haiti noong 2010.
Noong Marso 24, nagpanukala si Lionel Richie, isa sa mga hurado sa American Idol ngayon, para gawin muli ang We Are The World para makakalap ng pondo laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Samantala, habang hinihintay natin kung matutuloy ito o hindi, maraming mang-aawit na ang nagkusang gumawa ng sari-sarili nilang bersiyon ng We Are The World mula sa kani-kanilang tahanan.
Naging panawagan ang paghilom sa mundo kaya naging mas relevant ang Heal The World ni Michael Jackson unang lumabas noong 1992 at nakalikha ng Heal The World Foundation para sa mga bata.
Huling inawit ang We Are The World at Heal The World sa Staples Center noong 7 Hulyo 2009 para sa memorial service kay Michael Jackson.
Bagamat pumanaw na siya noong 25 Hunyo 2009, imortal na siya at ang kaniyang mga kanta.
Lalo ngayong naghahanap tayo ng makakapitan o makapagsisiwalat ng ating saloobin.
Ilan sa mga ito ang madalas awiting Rise Up ni Brigitte Wickens o Fight Song ni Rachel Platten na nadagdagan na tulad ng kung tawagi’y Quarantunes ni Rita Wilson — matapos silang magpositibo sa COVID-19 ng mister niyang si Tom Hanks noong Marso 12 at walang ginawa kundi mag-quarantine at makinig ng 31 kanta sa loob ng isang oras at 58 minuto. Kabilang sa listahan ang All By Myself ni Celine Dion, Come Healing ni Leonard Cohen, Don’t You Worry ‘Bout A Thing ni Stevie Wonder, Faith ni George Michael, at Here Comes The Sun ng Beatles. Lumabas itong kasabay ng balitang apektado ng COVID-19 si Christopher Cross at si Pink na nagbigay ng $500,000 para sa Temple University Hospital Emergency Fund at $500,000 para sa Emergency COVID-19 Crisis Fund ng alkalde ng Los Angeles.
Musika ang isa sa ating terapiya ngayon.
At Spotify ang medium ng mga terapistang artista.
Nadagdagan pa ito ng ABR_Coronavirus (Awareness Song) ng Africa Best Rappers ng Sierra Leone, Andra Tutto Bene (Everything Will Be Alright) ni Cristovam ng Italya, Corona Virus ni Yofrangel ng Dominican Republic, Corona Virus Alert nina Bobi Wine at Nubian Li ng Uganda, El Coronavirus ng El Capi ng Mexico, Ghen Cô Vy (The Washing Hand Song) ng Vietnam, La Cumbia Del Coronavirus ni Mister Cumbia ng Estados Unidos, The Wuhan Virus Song nina Megan at Morgan Wong ng Hong Kong, Tumbao Viral ni Yendrys Cespedes ng Estados Unidos ay wala pa sa kalahati ng nagsipaglabasang kantang-COVID-19.
Napanood natin ang ilan sa mga ito sa ginawang proyekto — ni Lady Gaga at ng Global Citizen na isang kilusang layong tapusin ang kahirapan bago mag-2030 — na pinamagatang One World: Together At Home na tumabo ng $127.9 milyon para tulungan ang mga biktima ng nabanggit na virus. Kung ikukumpara sa mga nauna, nakuhang pagsamahin ni Lady Gaga ang mga alamat noon na sina Sir Elton John, Sir Paul McCartney, o The Rolling Stones at ang mga pinakasikat na personalidad ngayon na sina Billie Eilish, Taylor Swift, o The Killers upang mag-konsiyerto sa kuwarto. Sa pamamagitan ng platapormang wala pa noong Dekada ’80, nagawa nilang isakatuparan ito nang tuloy-tuloy. Sinalitan lamang ang mga awitan ng mga retrato at videong inspirasyonal. Kaya, hindi lamang ito musikal kundi multi-disiplinal. Napagtagni-tagni ng teknolohiya’t taktikang teknikal ang magkakahiwalay na bantog at batikang alagad ng sining sa buong daidig. Kaya, hindi natin namalayang hating-gabi o madaling-araw na at humigit-kumulang walong oras na tayong napaliligaya ng mga idolo sa loob ng bahay natin.
Sama-sama: Music Beyond Borders ang titulo ng online performance ng mga progresibong musikero mula sa Australia, Cambodia, Indonesia, Thailand, Timor Leste, at Filipinas noong Marso 30 na ang nag-host ay Asian Music for People’s Peace and Progress. Tampok dito sina Ae Nitikul (Thailand), Pakapol Kornkranok (Thailand), Chi Suwichan at Jenny Kuewa (Thailand), The Messenger Band (Cambodia), Sandrayati Fay (Indonesia), Kupit Guna (Indonesia), Fendy Rizk (Indonesia), Etson Caminha (Timor Leste), Bong Ramilo (Australia), Jess Santiago (Filipinas), Danny Fabella (Filipinas), at/ The Village Idiots (Filipinas).
Si Lea Salonga naman ay nagkaroon ng Facebook Live concert for benefit of COVID-19 Frontliners noong Abril 2. Isang oras lamang siya subalit alam ba ninyo kung magkano ang naipon niyang donasyon? Isang milyong piso. Opo, isang milyon piso sa isang oras. Mag-isa lamang siyang kumanta — mulang Broadway hanggang Original Pilipino Music (OPM) — subalit siya ay bahagi ng serye ng kumita ng higit sa P100,000 sa unang 10 minuto pa lamang. Tinawag na Bayanihan Musikahan, ang konsiyertong online na ito ay pinangunahan ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ryan Cayabyab nasa likod ng music video na We Heal As One sa ngalan ng Philippine Medical Association. Matatandaang si The Maestro rin ang responsable sa Just Believe, ang komposisyon niyang — nilagyan ng titik ni Jose Javier Reyes — para gawing finale ng konsiyertong Voices for Visayas noong 15 Enero 2014 na sinalihan ng higit sa 100 mang-aawit para sa mga biktima ng bagyong Yolanda noong 2013.
Kung tutuusin, hindi na ito bago sa ating mga Filipino na mahilig magpa-konsiyerto para ganito o ganoong proyekto.
May kaibhan nga lamang ngayon.
Limitado ang ating oras at espasyo.
Virus ang nagtatakda.
Sa mga ganitong pagkakataon, lalong humulagpos ang mga malikhain.
Kaya, lumipad ang guniguni natin nang ating mapanood sa MTV ng Department of Tourism sa saliw ng kantang With A Smile ng Eraserheads habang ipinapakita ang malalawak at magagandang tanawing kapiling ang ating Bagong Bayani.
Samantala, ang ating lumang bayaning si Ricardo Dalisay ay nagparayang gamitin ang Original Sound Track (OST) na Ililigtas Ka Niya para kina Gary V. at Kapamilya All-Stars.
Bagamat makikita rin natin si Coco Martin sa isa pang video ng ABS-CBN na pinamagatang Pag-ibig Ang Hihilom Sa Daigdig na isinulat nina Robert Labayen, Des Parawan at Lloyd Corpuz.
Bayani Ng Mundo rin ang pinagpugayan ni Vehnee Saturno nang sumulat siya ng videong may parehong titulo.
Ganundin ang pakay at paksa nina Flict-G, Dello, Curse One, Siobal D, at Aikee kaya sila nakagawa ng Frontline Rap.
Teka, ano na nga bang nangyari sa rapper na si Jean Brandon Perang a.k.a. Boy Pakyu —
na pinahingi ng paumanhin — matapos siyang kasuhan ni Gob. Gwendolyn Garcia ng Cebu dahil sa diumano’y ang kanilang rap battle ay lumabag sa batas ng “curfew,” “social distancing,” “suspension of all gatherings,” bukod pa sa kaniyang facebook post na “atik-atik ra.”
Sa kabilang banda, ang Kapuso stars naman ay pinangunahan ng itinuturing nilang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards sa pagkanta ng Pagsubok ng Orient Pearl — na kahit hit na hit noon pang 1996 — ay parang nilikha para sa ating karanasan ngayon.
Ilang buwan na raw ang nakaraan nang sinulat para sa mga mahal sa buhay ni Alicia Keys ang kantang Good Job ngunit nang ilabas niya ito kamakailan parang akmang-akma sa mga gumagawa ng kabutihan sa panahon ng pandemikong ito.
Dahil sa COVID-19, ayaw ring paawat ang mga kung tawagin ay “Choirantine.”
Ang mga alumni ng Philippine Madrigal Singers alumni at University of the Philippines Concert Chorus ay sinalubong ang Mahal na Araw sa pamamagitan ng Be Still My Soul ni Katharina von Schlegal.
Marahil dahil sa physical distancing, pinili ng U.P. Manila Chorale Virtual Choir ang From A Distance ni Julie Gold.
Posible ring — matapos mapanood nila ang pulis na binaril ang isang dating sundalong beterano sa Marawi — pinaalalahanan tayo ng Huwag Kang Mangamba nina Dr. Onofre Pagsanghan at Fr. Manoling Francisco S.J..
Seryoso ring humingi ng saklolo sa Diyos ang The Philippine Meistersingers sa kanilang pag-awit ng Heal Our Land nina Tom at Robin Brooks.
At puwedeng dahil wala nang mapuntahan sa kanilang bahay-bahay, humingi ng tulong ang U.P. College of Medicine Choir kaya napakanta sila ng Lead Me, Lord.
Ang siste, ang kompositor ng kantang iyon na si Arnel de Pano ay naospital mismo. Bago umuwi, nang gumaling sa COVID-19, kinanta muna niya itong kasama ang mga doktor, nars, at iba pang nag-alaga sa kaniya sa Marikina Valley Medical Center.
Nagkaroon din ng Kantahanan ang Visual and Performing Arts Production Unit (VPAPU) ng De La Salle University Dasmariñas noong Abril 5 para sa pagtatanghal nina Noah Araracap, Shamaine Lucero, Jeff Marquez, Eya Memue, at Nazer Salcedo.
Sa kasalukuyan, higit pa sa isang buwan ang Tugtugan Para sa Kalusugan ng Musika Publiko at Citizens’ Disaster Response Center (CDRC). Walang ipinagkaiba ito sa LockdownSessions na isa ring serye ng online concert na handog ng Concerned Artists of the Philippines, Altermidya – People’s Alternative Media Network, at IOHSAD Philippines.
Kaliwa’t kanan ang pagkukusa ng mga solo artist sa kani-kanilang pagtatanghal.
Walang kupas pa rin sina Gary V. at Martin Nievera sa kanilang pagtulong sa pamamagitan ng kanilang pagkanta halos gabi-gabi.
Walang iniwan kina Marcelito Pomoy, Jamie Rivera, Ogie Alcasid, Regine Velasquez, at maraming iba, kilala man natin o hindi, sa kanilang videong naging inspirasyon natin.
Narinig pa natin si Dong Abay na nagsabing: “Ang mga Pilipinong nagtatanggol sa mga politikong trapo ay mga langaw na nakapalibot sa tae.”
Binanatan ni Joey Ayala ang kaniyang mga klasikong kantang kagaya ng Maglakad na angkop na angkop bilang kaniyang “Quarantinig.”
Si Bobby Balingit ng Wuds ay parang nasa Into The Woods habang tumutugtog sa tabing-ilog.
Noong Domingo de Ramos, kantang-simbahan ang ilan sa inawit ni Noel Cabangon na nag-live sa #DitoSaBahay.”
Earth Hour 2020 naman sina Johnoy Danao, Ebe Dancel, Bullet Dumas ang nag-online concert noong Marso 28.
Sumulat pa sina Lolito Go, Angelo Mirang, at Jayr Banez ng bagong kantang Soldier in White para kina Dr. Israel Bactol at iba pang nasawing frontliners sa tulong ng nars na si Gelmark Olivares.
Kinanta rin ng 3rd Avenue ang Imagine ni John Lennon gaya ng ginawa nina Gal Gadot at mga kaibigang celebrity! Nagustuhan ito ni L.A. Tenorio kaya napakanta rin ang mga kapuwa-basketbolistang sina Japeth Aguilar, Jimmy Alapag, Beau Belga, Mark Caguioa, Jayson Castro, June Mar Fajardo, Jayjay Helterbrand, Paul Lee, Gabe Norwood, Marc Pingris, Kiefer Ravena, Scottie Thompson, at James Yap.
Ang Philippine Philharmonic Orchestra ay tumugtog upang may paglimian tayo noong pangilin samantalang ang U.P. Symphony Orchestra ay nagpakitang-gilas ng kanilang Cello Power sa kanilang Alay Sa Sambayanang Pilipino Sa Panahon ng Agam-agam sa pagtatanghal ng Maghintay Lang, Kaluluwa na musika ni Jean Sibelius at titik mula sa Salmo 46 ni Prof. Josefino Chino Toledo.
Habang di-magkandaugaga ang alagad ng musika sa buong daigdig, tahimik namang bumalik sa kaniyang trabaho si Carol Banawa na naging registered nurse noong 2018. Siya ang nasa likod ng tagumpay ng awiting Bakit ‘Di Totohanin, Iingatan Ka, at Tanging Yaman na naging isa sa moderno ngunit klasikong pelikulang Filipino noong 2000.
Ilan yata ang mga kantang iyon sa tinipâ sa piano ng isang Bagong Bayani na na-hulicam ng isang netizen na nagpipiyano habang naghihintay ng pagkaing kaniyang ide-deliver.
Para sa kagaya niyang manggagawa, lalo na sa music venue, ang online concert nina Aia de Leon, Barbie Almalbis, and Kitchie Nadal sa darating na Araw ng mga Manggagawa sa Mayo 1.
Noong Abril 24 — apat na araw bago ang 𝗜𝗻𝘁𝗲𝗿𝗻𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝗮𝗹 𝗪𝗼𝗿𝗸𝗲𝗿𝘀’ 𝗠𝗲𝗺𝗼𝗿𝗶𝗮𝗹 𝗗𝗮𝘆 sa Abril 28 — inanunsiyo ng National Commission for Culture and the Arts na naglaan ito ng P63.8 milyong pondo para sa programang pansining at pangkultura. Inaasahan itong magbigay ng ayudang pinansiyal para sa mga alagad ng sining at manggagawang pangkultura na nawalan ng trabaho’t suweldo dahil sa COVID-19.
Siyanga pala, malapit na ang Hulyo 31, ang takdang araw ng pagsusumite para sa NCCA 2020 Composition Prize. Para sa detalye, mangyaring mag-email sa [email protected].
KUMUSTA?
ni Vim Nadera