KUMUSTA?
Isa ito sa mga umaga nating makulimlim.
Kaya lang, kailangan nating gumising.
Harapin ang maghapon habang pinupuno natin ito ng kulay at kahulugan hanggang gabi o hating-gabi o madaling-araw upang ulitin na naman ito sa susunod sa araw.
Ganito nang ganito.
Kapag wala tayong layon, wala rin tayong hayon.
Daig pa tayo ng mga masarap tadyakan.
Mas malayo ang kanilang nararating.
Kahapon, dalawang balita ng pagpanaw ang aming tinanggap.
Tumawag ang isang kaibigan upang nagpapatulong kung ano ang magandang isulat sa lapida ng kaniyang inang kapapanaw pa lamang.
Totoo ba ito?
Siya nga itong mas maraming alam, mas malawak ang karanasan, at mas mataas ang pinag-aralan at posisyong hindi lamang sa pambansa kundi sa pandaigdigang organisasyon.
Talagang ganito kapag nawawalan?
Nawawala tayo.
Nawawalan din tayo ng gana.
Nawawalan din tayo ng gahum.
May dahilan ba para mabuhay pa?
Manakawan nga lang tayo, hindi natin mapatawad ang sarili sa hindi natin paglaban o di kaya’y pagbawi sa gamit o paghihiganti sa maliksing mandurukot o mandarambong na armado.
Kung masunugan tayo, mabaliw-baliw naman tayo sa pagkawala ng mga bagay sa isang iglap.
Nang walang pasabi.
Nang ganun na lamang.
Nang wala tayong kalaban-laban.
Mawalan pa kaya tayo ng mahal sa buhay.
Tiyak na titigil sa pag-inog ang ating mundo.
Maaaring lumipad lahat ng laman ng utak nating hindi malaman kung alin ang dapat unang isipin.
Minsang mapapasalampak na lamang tayo sa sahig.
Mapapaiyak nang hindi natin batid.
Maghahanap tayo ng mga kakapitan para makatayong muli.
Pagkaraang mahugasan na ang ating mga mata, ating mapapansing mas malinaw ang ating paningin at mas maliwanag ang ating pagtingin.
Pero, batay sa nagdaan, mas madali itong sabihin kaysa gawin.
Kaya, sa halip na magsalita tayo para magbigay ng mga payo, mas maigi pang manahimik.
Minsan, hindi na natin kailangan pang yumakap o humalik o tumapik sa balikat ng mga naiwan.
Mas madalas kaysa hindi, ang mahalaga: nandoon ka lamang sa tabi niya.
Paano na ngayon?
Limitado tayo.
Wala tayong magawa.
Wala tayong màgawa.
Kundi lihim na makiramay.
Mabuti na lamang at mayroong social media.
Kahit malayo, puwede tayong mag-message o mag-tweet o mag-post ng artwork o photo o video o smiley o gif o meme na may kinalaman sa sumakabilambuhay.
Sa facebook ko nalaman ang pamamaalam sa murang edad ng kasamahan natin sa unibersidad.
Katabi ng kaniyang larawan ay ang listahan ng kaniyang ginawa’t nagawa.
Ang haba ng kaniyang tagumpay!
At ang ikli ng kaniyang buhay!
Nakapanghihinayang sapagkat sa ganitong panahon ang mga kagaya niyang alagad ng agham ang kailangang-kailangan ng bayan.
Tuloy, hindi natin maiwasang itanong: “Bakit siya pa? Bakit hindi ang iba?”
Huwag na nating pagdasal kung sino ang dapat kunin.
Tantanan na natin si Lord.
Mga kababayan, sa halip na maging positibo tayo sa testing para sa corona virus disease (COVID)-19, maging positibo na lang tayo sa mga bagay-bagay.
Matutong tumanaw ng utang na loob.
Magpasalamat.
Kanino?
Kahit sino?
Kahit sa iyo?
Oo, ikaw, COVID-19?
Bakit hindi?
Hindi ba dahil sa iyo, nagka-Community Quarantine mula sa pagiging enhanced ito ay naging extreme.
Walang pasok kaya mas magkakasama kayong mag-anak.
Pinagkabit-kabit ang ating oras.
Pinagkakapit-kapit ang ating lugar.
Pinaglapit-lapit ang ating mga buhay.
Halimbawa, nasaksihan natin kung gaano na kahusay si Panganay hindi lang sa social distancing kundi sa distance education din sa kaniyang mga estudyanteng mas marunong mag-zoom kaysa mag-zumba.
Dininig ang dasal natin at di natuloy si Pangalawa na pumangalawa sa isang patimpalak dahil kung hindi, malamang nandoon siya ngayon para mag-aral sa ibang bansa kung saan nahawa kahit ang kanilang prinsipe’t prime minister.
Dumami ang natutuhang lutuin at gawin sa bahay ni Bunso na noong isang buwan lang ay naipit siya sa gitna ng Applied Science at Social Science pagdating sa kung anong kukunin niyang track sa Senior High.
Lalo tayong sumaludo kay Misis sa kaniyang pagka-Mebuyan na kayang pagsunud-sunurin ang pagpaplano ng inyong kakainin, ang pag-order ng mga bibilhing gulay o gamot online, ang pagpapatakbo ng kaniyang proyekto sa pananaliksik sa Lusog-Isip, ang pag-aaral sa mga libreng open courses, ang panggagamot ng kaniyang pasyente, ang panonood ng Netflix, at ang pag-aasikaso sa iyo o inyong pangangailangan araw-araw.
Lahat ng iyan ay hindi natin napag-ukulan ng panahon.
Hindi mo napagtuunan ng pansin.
Hindi mo napag-isip-isipan.
Hindi mo naramdaman.
Hindi mo nalaman.
Nandiyan lang.
Nito lang.
Ngayon.
Dito.
COVID-19, grabe ka.
Dahil sa iyo, nais ko pang mabuhay.
Dahil sa iyo, ayoko munang mamatay.
Dahil sa iyo, gumagaling na ang maysakit na daigdig.
Dahil sa iyo, bumaba ng gamit ng aerosol spray, coolant, at iba pang mapanirang kemikal kaya, ayon sa United Nations (UN), kumapal ang ozone layer na numipis noon pang Dekada ’70.
Dahil sa iyo, umulan sa Namibia kaya namulaklak ang mga bushveld vlei lilies matapos ang tatlong-taong tagtuyot.
Dahil sa iyo, itinigil ang mga bullfight na sumagip sa buhay ng mga toro sa France, Mexico, Portugal, at Spain.
Dahil sa iyo, naging modelo sa buong mundo ang public health system ng Tsina at iba pang bansa sa Asya lalo na tuwing may mga sakuna.
Dahil sa iyo, nagpadala ang Tsina ng medical mask sa Italy nang may tulang Romano: “Tayo ay mga alon ng iisang dagat at nang magdonasyon naman ang mga Hapon sa China naglagay din ito ng tulang Tsino: “Ang ating mga bundok at ilog ay hindi magkapareho pero pinagsasaluhan natin ang isang araw, isang buwan, at isang langit.”
Dahil sa iyo, hindi lamang naglaho ang trapik sa Edsa kundi bumaba rin ang air pollutants dito kung kaya tumaas ang air quality sa buong Metro Manila.
Dahil sa iyo, ang Manila Bay na dating itim ay naging turquoise.
Dahil sa iyo, ang Ginebra San Miguel Inc. na gumagawa ng alkohol na nakalalasing ay naging pagawaan ng ethyl alcohol.
Dahil sa iyo, naging radical chic ang mga fashion designer na gaya ni Rajo Laurel na ang studio ay ginawang pabrika ng mga Personal Protective Equipment (PPE) suit.
Dahil sa iyo, nakiisa ang mga tinatawag na Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Catanauan, Quezon sa paglikha ng face shields para sa mga frontliners sa Bicol at Bondoc Peninsula.
Dahil sa iyo, pinahanga mo ako sa kaibigan kong si Sharon Cabusao-Silva ng Lila Pilipina sa kaniyang Lockdown Diaries Day13: “Napakarami talagang mababait na Pilipino na marunong makibagay at magbigay nang walang hinging kapalit sa panahong ito. Kahit ang mga pulis at sundalo sa nadaanan naming mga tsekpoynt. Taliwas sa laging mabagsik na pag-utos ng mga matataas na opisyal ng bansa, walang gaanong tanung-tanong ang mga nadaanan namin. Bakit nga ba? Sa panahon ngayon, alam naman namin pareho na kapuwa wala kaming maaasahan. Pare-pareho kaming nakasuong sa gera nang walang proteks’yon, maliban sa face mask — kung maituturing nga talagang proteksyon ito. May kani-kaniya kaming mga tungkuling dapat gampanan: Sila — ang sumunod sa utos ng nakakataas. Kami — ang sikaping maalalayan ang aming mga kasamahan. Sana nakikita ng matataas na opisyal ng gobyerno natin ang ganitong mga eksena, para makita nilang napakalayo nila sa diwa at gawi ng kanilang pinamumunuan. Na sa bandang huli, hindi ang mabalasik nilang mga utos ang magsasalba sa atin sa krisis na ito, kundi ang pagtutulungan at pag-uunawaan ng ordinaryong mga Pilipino.”
At, dahil sa iyo, natutuhan namin ang aming lakas: ang pinakaimportante ay Diyos; ang pinakamagandang suot ay ngiti; ang pinakalikas na yaman ay pananampalataya; ang pinakamakapangyarihang puwersa ay pag-ibig; at ang pinamalakas na armas ay panalangin.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera