UPANG agad maibigay ang mga pangangailangan at pangangalaga sa mga Taguigeño at maprotektahan ang frontliners gamit ang teknolohiya habang nilalabanan ang COVID-19, inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang Telemedicine, isang programa na puwedeng sumangguni ang mga residente sa mga doktor at medical workers ng kanilang pangangailangang medikal nang hindi na kailangang magtungo sa ospital o health center.
Sa kabila ng 31 health centers at 3 Super Health Centers na patuloy na bukas para magbigay tulong, ang mga residente ng Taguig ay maaari nang humingi ng medical assistance kahit nasa loob sila ng kanilang tahanan, at puwede pa silang makatanggap ng mga gamot sa pamamagitan ng door-to-door delivery sa panahon ng quarantine.
Kahit sa text at online ay puwede nang magpakonsulta sa doktor.
Ang health workers ay magdadala rin ng mga gamot at iba pang medisina sa harapan ng bahay mismo ng residenteng nangangailangan pati na rin ang iba pang medical services kagaya ng bakuna.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano, ang layunin ng programa ay masiguro na ang mga tao ay tumutupad sa itinakdang home quarantine, at para maiwasan ng mga residente na makihalubilo sa maraming tao sa iisang lugar na pagsuway sa social distancing protocols.
Sa programang Telemedicine, sinisiguro na ang mga health workers sa siyudad ay protektado at ligtas sa pagkalat ng coronavirus.
“Nais namin sa Taguig na maging ang ating mga tauhan at residente ay ligtas at protektado laban sa nakahahawang sakit na COVID-19,” wika ni Mayor Lino.
Upang mapakinabangan ang Telemedicine program, ang residente ay maaaring tumawag sa itinakdang Telemed contact number sa kanilang barangay, na pinangangasiwaan ng mga tauhan mula sa City Health Office (CHO). Ang nasabing staff ay nakaantabay mula 8:00 am hanggang 5:00 pm.
Kung sakaling emergency cases, ang mga residente ay puwede rin magtungo sa Taguig-Pateros District Hospital.
Matapos makuha ang lahat ng kinakailangang detalye at clarifications, ang City Health Office ay magre-refer ng inyong kalagayan sa mga doktor, nurse o midwife, na magde-determina kung anong hakbang ang kailangang matugunan sa pasyente.
Tatawagan o ite-text ang pasyente upang mabigyan ng kaukulang instructions.
Ang lahat ng 31 health centers at 3 Super Health Centers ay may kapasidad na magsagawa ng teleconsultations na kinakailangan sa panahon ng quarantine upang maiwasan ang physical contact sa ibang tao.
Kung ang kaso ng pasyente ay maituturing na person under monitoring for COVID-19 o person under investigation, ang lahat ng protocols para sa COVID-19 ay ipapatupad at kailangang masunod.
Kung medisina o gamot naman ang kailangan, ang doktor, nurse, o midwife ang mismong magbibigay ng mga paraan upang mai-deliver ang mga medical supply at iba pang pangangailangang pangkalusugan sa bahay mismo ng pasyente.
Dalawang barangay health workers ang maghahatid ng mga gamot. Ilalapag ito sa bangko na iiwanan o ilalagay ng pasyente sa harapan ng kanilang bahay. Ang medical worker ang magdedetermina kung ang pasyente ay mangangailangan ng medical evaluation sa health center o ospital.
Bukod rito, pinangunahan din ng Taguig City nitong Huwebes ang Telemedicine program sa isang barangay na gumagamit ng mga iMac at Android phones. Gamit ang teknolohiya, ang mga taong may sakit o masama ang pakiramdam ay maaaring magpakonsulta gamit ang video call sa cellphone. Ito ay inaasahang ilulunsad sa lahat ng 28 barangays sa susunod na linggo.
“Umasa po ang lahat na patuloy po ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa paghahanap ng mabisa at maayos na paraan upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat sa siyudad,” dagdag ni Mayor Lino.
Bukod sa mga inisyatibo sa Telemedicine, nagsasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng Taguig ng house-to-house distribution ng mga gamot at iba pang serbisyong medikal para maprotektahan ang mga residente sa COVID-19.
Nag-iikot din ang mga health workers sa lahat ng barangay upang ihatid ang mga maintenance medicine sa diabetes, hypertension at asthma, TB at HIV, maging ang mga birth control pills. Ang mga bakuna ay isinagagawa rin sa bahay-bahay.
Sa pamamagitan nito, ang mga residente ay di na kailangan magtungo sa health centers at makaiwas sa COVID-19 infection.
Ang health workers na nagde-deliver ng mga gamot at serbisyo sa mga komunidad ay may suot lahat ng mask at may sariling gamit na alcohol. Sinusunod din nila ang social distancing protocol sa paghahatid ng mga gamot at medical services.