Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

‘Coping with COVID-19’ Pinoy may patok na estilo sa socmed

IBANG klase talaga ang mga Pinoy.

        Sa lahat ng pagkakataon, kahit sa panahon ng coronavirus mayroong kakaibang gawi ang mga Pinoy na pagaanin ang mabigat na hilahil sa buhay.

        Dahil mahigpit na ipinatutupad ngayon ang social distancing  sa ilalim ng enhanced community quarantine sa buong Luzon at ilang probinsiya malaking tulong ang pagkakaroon ng social media.

        Sa pamamagitan ng social media, bagama’t alam nating marami tayong mga kababayan na walang gadget para rito, nailalabas ng ilan sa ating ang mga kababayan ang kanilang naiisip at nararamdaman sa panahong ito na lahat ng tao, mayaman o mahirap, ay apektado ng mapanganib at mapinsalang coranavirus (COVID-19).

        Ang iba naman, lumalabas ang pagiging ‘artist’ at napapalitan ng lyrics ang mga video ng kanta na angkop sa kasalukuyang kalagayan nating mga Filipino at ng buong mundo.

        Hindi ito pagmamaliit o ano pa man, pero ngayon natin mapagtatanto na ang mga materyal na bagay, salapi at iba pang luho, ay malaking bagahe sa ganitong panahon.

        Sabi nga, kapag mahirap ka at tinamaan ng COVID-19, isang buhay ang mawawala o maaaring nakahawa ka ng mga kapitbahay o kapamilya.

        Pero sa takbo ng mga nagaganap ngayon, makikita natin na karamihan ng tinamaan ng COVID-19 ay pawang may kakayahang gumastos nang higit sa batayang pangangailangan ng isang tao.

        Ang nakalulungkot sa lahat, nahawa ang ating frontliners na kinabibilangan ng mga doktor na halos institusyon sa kanilang propesyon.

        Sa kanilang pagkamatay, ni hindi sila naalayan ng parangal dahil hindi nga makabubuti na magsama-sama ang maraming tao sa iisang panahon at iisang lugar — ang ganitong mga sitwasyon ay nasasamantala ng COVID-19 para pahabain pa ang  kanilang buhay at makapanghawa pa ng maraming tao.

        Hindi ba’t kakatwa na ang pagkalat ng virus na ito ay nagsimula sa burol ng isang kilalang tao sa lipunan at ngayon ay tila nagwawakas din sa pagkaputi ng buhay ng mga nahawa?!

        Noong una, sinisipat ang pagkahawa ng mga apektado dahil sa kanilang paglalakbay sa labas ng bansa pero paglaon ay may mga pasyenteng walang travel history.

Ang higit na naghatid ng pagkataranta sa bawat Filipino ay nang kumalat na airborne umano ang virus.

Mabuti na lang at mabilis sa pagtutuwid ang Department of Health (DOH) sa pamamagitan ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi totoong airborne ang virus.

At sa gitna ng ‘panic buying’ ng mga may kakayahang mag-panic buying, iisa ang umikot na ‘patawa’ sa social media mula sa hanay ng mga walang pang-panic buying gaya ng:

“Panic buying nang panic buying sila, kami walang magawa kundi mag-panic lang.”

        Nakatatawa pero may kurot sa puso ang joke na ito lalo’t umaasa lang sa araw-araw na kita ang maraming pamilya sa Filipinas.

        Nang magpahayag ang national government sa pamamagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan  ang lockdown para huwag kumalat at mabuhay nang matagal ang virus — at kung kinakailangan ay magrasyon ng pagkain sa mamamayan para manatili sila sa bahay — maraming mayor ang nawala sa ‘limelight’ na dati-rati konting ‘utot’ lang ay makikita mo ang mukha sa TV o kaya sa diyaryo o kaya maririnig ang boses sa radio.

        Bukod pa ‘yan sa sarili nilang social media page na may video o kaya sa sariling YouTube channel nila na ang pawang ipinakikita ay mga pagbibida nila.

        Pero noong magpahayag ang Pangulo na magrasyon ng pagkain sa mga mamamayan na naapektohan ang kita, biglang ‘no show’ na ang ibang mayor.

        Pero sa kabila niyan, tuloy ang buhay sa mas maraming Filipino lalo sa mga pangkaraniwan ang buhay. ‘Yun nga lang lagi nilang ‘daing’ wala silang naisubi sa mga ganitong panahon pero sinsisikap pa rin nilang makaraos sa bawat araw.

        Hanggang 14 Abril 2020 pa ito, at sana’y maging katulad natin ang China na nakapag-victory march na laban sa COVID-19 pagdating ng araw na ‘yan.      

        Pansamantala, ipinapayo ng ilang eksperto upang mabawasan ang stress at anxiety sa ganitong panahon ay alagaan ang ating katawan. Huminga nang malalim, mag-inat-inat, o mag-meditate o magdasal.  Gawin ang mga bagay na puwedeng gawin sa loob ng bahay o sa bakuran. Tawagan ang mga kaibigang matagal nang hindi nakakausap. Kung kinakailangan, makipag-ugnayan sa mga institusyon na puwedeng magbigay ng professional help.

        Higit sa lahat, huwag kalimutang tumawag, magdasal, at magpasalamat sa Dakilang Manlilikha.

        Laban pa, Filipino!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *