Sunday , December 22 2024

Kape’t Ka Pete

KUMUSTA?

Noong 1999, idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na World Poetry Day tuwing Marso 21.

Naniniwala kasi ang UNESCO sa kapang­yarihan ng tula upang katawanin ang malikhaing kaluluwa ng diwa ng tao.

Tula ang patotoo sa pagiging tao ng bawat isa sa pamamagitan ng pahayag o pagpa­pahayag na ang tao, saan mang sulok ng mundo, ay may pinagsasaluhang pagtatanong at pakiramdam.

Sa pakikipagtalastasan ng halagahang nasa kaibuturan ng iba’t ibang kultura, tula ang lagi’t laging maasahang uri ng literaturang oral.

Isa sa pinakalayunin nito ay ang susugan ang pagkakaiba-iba ng wika sa pamamagitan ng matulaing paglalahad upang buhayin ang mga nanganganib na wika sa mga pamayanan o bayan o bansa.

Kaya noong 2019, sinimulan namin ang pagdiriwang  ng Pandaigdigang Araw ng Tula sa tulong ng manunulat at mamamahayag na si Wilson Lee Flores sa kaniyang makasaysayang tinapayan.

Ito nga ay ang Kamuning Bakery na itinayo noon pang 1939 nina Atty. Leticia Bonifacio Javier at Lt. Marcelo Javier.

Binuksan niya itong muli noong 2013 kung kailan hindi lamang naghandog ng mga tinapay kundi tradisyon.

Sa pagbili roon, hindi maiiwasang mapalingon sa mga retrato ng suki nitong sina Presidente Corazon Aquino, ang mag-amang Don Alejandro Roces at Chino Roces, Pambansang Alagad ng Sining na sina Nick Joaquin at Levi Celerio, at mga artistang sina Susan Roces, Nida Blanca, Celeste Legaspi, Nonoy Zuñiga, at iba pa.

Isa sa kanila ang makatang si Jose “Pete” Lacaba.

Nang minsang bumili si Ka Pete sa Kamuning Bakery, nakipagkuwentohan siya kay Wilson.

Humantong ang huntahan sa karamdaman ng kaniyang paboritong manunulat – kahit noong siya ay nasa Ateneo de Manila University pa – kung saan sila kapuwa nag-aral.

Napag-alaman ni Wilson na ang idolo niya ay nabaon sa utang dahil sa karamdaman.

Agad akong tinawagan ni Wilson upang tulungan si Ka Pete tungkol sa Pandaigdigang Araw ng Tula.

Isinelebra kasi namin ito noong 2019 – isang taon matapos itong masunog noong 6 Pebrero 2018 – kaya parang phoenix itong muling nabuhay.

Itinampok namin noon sina Juan Miguel Severo at Kooky Tuason – ang kinikilalang Hari at Reyna ng Spoken Word.

Pinaunlakan din tayo ng pag-awit ni Christina Bojocan Espiritu, ang kabiyak ng dakilang tenor na si Arthur Espiritu, at ng pagbubunsod ng aklat ni Lance Abellon.

Ngayon, sino ba naman ako para hindian ang dalawa sa hinahangaan kong panitikero’t peryodista?

Inupuan namin ang plano na kinalaunan ay naging proyekto.

Pero, dahil matindi ang pangangailangan, kailangan itong gawin sa lalong madaling panahon.

Kaya, sa Marso 7, 6:00 pm, sa Kamuning Bakery ang pagpupugay na pinamagatang Kape’t Ka Pete.

Siya ang makata ng mga aklat ng mga tula na Kung Baga sa Bigas: Mga Piling Tula (2002 at 2005), Edad Medya (2000), Sa Panahon ng Ligalig (1991), Sa Daigdig ng Kontradiksiyon (1991), at Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran (1979 at 1996).

O siya rin ang sanaysayista sa likod ng Showbiz Lengua: Chika & Chismax about Chuvachuchu Compilation of language columns (2010), Antonio Cabangon Chua: The Saga of Success Continues kasama ni Eric Caruncho (2008), at The Firm: 25 Years / CVC Law kasama muli ni Eric S. Caruncho (2005).

Sa halagang P250, sulit na sulit.

May libre pang kape’t pandesal habang nanonood ng tulaan at kantahan.

Ha?

Opo, may magaganap pong kantahan.

Lingid sa kabatiran ng lahat, si Ka Pete ay mahusay rin sa larangan ng salin-awit o pagsasa-Filipino ng mga awit mula, mas madalas kaysa hindi, sa wikang Ingles.

Katunayan, humigit-kumulang 136 awit na ang kaniyang naisalin.

Ilan sa mga ito ang itatanghal sa nasabing gabi nina Skarlet Brown, Noel Cabangon, Cookie Chua, Ricky Davao, Hazel Faith, Jess Santiago, at mga sorpresang bisita na maaaring sina Celeste Legaspi at Nonoy Zuñiga.

Nagparamdam na ang mga kaibigang matalik ni Ka Pete na sina Celina Cristobal, Butch Dalisay, Reli German, Dody Lacuna, Bibeth Orteza, at Krip Yuson na mukhang makikipagkantahan din.

Kaya, tila ang mga tutula na lamang ay sina Gemino Abad, Jo-ann Maglipon, Ambeth Ocampo, Danton Remoto, at ang “Reading In Tandem” na si Karl Orit ng Cavite Young Writers Organization at si Karl Isaac Santos ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo na siya rin lumikha ng facebook page at poster!

Hindi rin magpapahuli sa awitan ang mga tagapangulo ng dalawang pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat sa Filipinas: ang nobelistang si Charlson Ong ng PEN Philippines at ang makatang si Michael Coroza ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

Magkakasya na lamang tayo bilang guro ng palatuntunan.

Walang iniwan ito sa taunang Writers Night na inumpisahan bilang pangangalap din ng pondo ng Likhaan: University of the Philippines Institute of Creative Writing.

Doon at noon sumikat ang subasta o auction ng mga manunulat.

Ang kinikita rito ay iniipon din para sa mga nangangailangang manunulat din.

Ipinagpatuloy ko ito nang maging director ako ng UP ICW mulang 2003 hanggang 2008.

Noong 2008, nang ako ay maging tagapangulo ng UMPIL, panaginip din namin ito sampu ng aming lupon ng mga direktor na kinabibilangan nina Abdon Balde Jr., Celina Cristobal, Rebecca Añonuevo, Ruby Gamboa Alcantara, Romulo Baquiran, Jr., Karina Bolasco, Michael Coroza, Jose Wendell Capili, Marne Kilates, Mario Miclat, Charlson Ong, Fidel Rillo, Frank Rivera, at Beverly Siy.

Pinangarap na rin namin noon na magkaroon ng isang balon na maaaring makakadluan ng tubig, wika nga, sa tuwing may manunulat na nagkasakit o namayapa.

Disin sana nabayaran namin ang bayarin din ng mga manunulat sa kanilang Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industriya at Gobyerno o PagIBIG.

Lumapit pa kami noon sa mga indibiduwal at institusyong nangangasiwa sa mga mura o libreng pabahay.

Kaya lang, nagkaroon kami ng problema sa taunang pagbabayad bilang kasapi  ng UMPIL.

Hindi lahat, sa kasamaang-palad, ang tumutupad sa kanilang tungkulin.

Kung baga, saranggola ito na hindi pumailanlang.

Dahil nga, hindi ito maitalang o makalipad-lipad.

Ang masaklap, kung nagaganap ang mga suliraning pinansiyal sa mga sikat na manunulat, paano pa kaya ang ibang walang pangalan?

Teka, hindi ba si Ka Pete din ang awtor ng klasikong Days of Disquiet, Nights of Rage na nagwagi ng National Book Awards noong 1982 at nagkaroon ng muling paglilimbag noong 1986,  2003, 2010, at 2017?

At siya rin ang sumulat ng mga dulang pampelikulang Tatsulok (1998), Rizal sa Dapitan (1997), Segurista (1996), Bagong Bayani (1995), Eskapo (1995), Orapronobis (1989), Operation: Get Victor Corpus, The Rebel Soldier (1987), Boatman kasama sina Rafael Ma. Guerrero at Alfred Yuson, Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1984), Sister Stella L. (1984), Experience (1984), Paano Ba Magmahal? (1984), Pakawalan Mo Ako (1981), Angela Markado (1980), Jaguar (1979), Babae… Ngayon at Kailanman? (1977) at iba pa.

Hindi ba ang mga ito kumita?

E sinong kumita?

Tama na.

Sobra na.

Palitan na natin ang mga kumikita sa ating karapatang-ari.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *